Wednesday, November 27, 2013

SAPILITANG PAAALISIN ANG MGA TACLOBAN SURVIVOR

SAPILITAN daw na ililikas ang lahat ng mga survivor na ngayon ay nasa Tacloban City pa dahil sa masangsang na amoy na bumabalot ngayon sa kapital ng Leyte na napuruhan ng bagyong Yolanda.


Sa mga nakausap ng Lily’s Files mula sa Tacloban City ay iisa ang kanilang mga pahayag: ayaw nilang umalis dito hangga’t hindi nila nakikita ang kanilang mga nawawalang kamag-anakan.


Sa pagtatanong-tanong ng Lily’s Files ay napag-alamang kaya raw sapilitang paaalisin ang mga natitira pang survivor ng super typhoon Yolanda sa Tacloban City ay dahil kailangan umano itong sprayhan dahil sa masangsang na amoy na dulot ng libo-libong mga namatay.


Aminado ang mga Yolanda survivor na talagang hindi maganda ang amoy sa buong siyudad ng Tacloban pero kaya raw nila itong tiisin alang- alang sa kanilang mga nawawala pang kamag-anak.


Maraming survivor ang nangangambang baka ‘pag umalis sila ng Tacloban City ay mahirapan na silang makabalik dito, lalo na at wala silang mga dalang pera at wala naman silang trabahong aasahan sa lugar na pagdadalhan sa kanila.


Maraming survivor ang nagsasabing pupunta na lang daw muna sila sa ibang lugar sa Leyte habang ini-sprayhan ang Tacloban City para pagkaraan ng ilang araw ay makabalik sila anomang oras.


Kung totoo mang sapilitang ililikas ang mga survivor ni Yolanda, sa palagay ko naman ay may magandang dahilan naman dito ang pamahalaan.


Marahil, isa sa mga dahilan ay maaaring magkasakit ang mga tao rito sanhi ng masangsang na amoy.


Kung sakali mang totoo na sapilitang ililikas ang mga survivor ng typhoon Yolanda, sana ay maintindihan ng mga ito na ang nasabing layunin ay para rin sa kanila.


At doon naman sa anomang ahensiyang maglilipat sa mga survivor, sana ay magkaroon kayo ng mahabang pasensiya dahil alam naman natin ang kanilang mga pinagdaanan.


Huwag sana nating daanin sa dahas, kausapin ninyo nang maayos at mahinahon ang mga survivor.


At para naman sa mga survivor, hindi po basta-basta makakikilos at makakapag-spray ang pamahalaan sa buong siyudad ng Tacloban kung may mga nakatira pa dahil baka makasama sa kalusugan ng tao ang amoy ng kemikal.


The post SAPILITANG PAAALISIN ANG MGA TACLOBAN SURVIVOR appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



SAPILITANG PAAALISIN ANG MGA TACLOBAN SURVIVOR


No comments:

Post a Comment