Ipinag-utos kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia ang pagsuspinde sa buwanang allowance at iba pang insentibo na tinatanggap ng isang coach mula sa synchronized swimming matapos ireklamo ng dalawang batang miyembro ng national pool sa hindi nito pagbibigay ng kanilang allowance.
Agad na ipinatigil ni Garcia ang allowance ni Synchro Philippines head coach Reina Rose Suarez matapos malaman ang reklamo ng dalawang batang miyembro ng koponan na hawak ng coach ang kanilang automated teller machine (ATM) at hindi nila nakukuha ang dapat nilang makamit mula sa ahensiya.
“We will suspend her monthly allowance until such time na napatunayan natin kung ano ba ang totoo,” sinabi ni Garcia sa panayam ng Balita sa isinagawang Send-Off ng pambansang atleta noong Huwebes ng gabi.
Napag-alaman naman sa reklamo ng dalawang batang atleta na hindi ibinibigay sa kanila ng coach ang kanilang ATM kung saan ay tanging P2,000 mula sa dapat nilang makuhang P6,000 allowance ang kanilang nakukuha mula sa coach.
Hindi din umano parehas ang P2,000 na ibinibigay sa dalawang bata ng kanilang coach dahil madalas itong kaltasan mula sa iba’t ibang sinasabing kabayaran sa kanilang pagsali sa mga torneo. – Angie Oredo
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment