Friday, November 29, 2013

TEAM LEADER NG MMDA PROMOTOR NG KOLORUM

_lily reyes HABANG abalang-abala si Metropolitan Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino sa pagtulong sa mga kababayan natin na nasalanta ng bagyong Yolanda, todo kayod naman sa pangongolorum ang isa sa masasabi nating trusted man niya.


Noong nakalipas na araw ng Huwebes, naipalabas sa programa sa isang television ang pangongolorum nitong si traffic enforcer Valeriano Miguel sa MRT North Edsa, Quezon City, gamit ang isang Nissan Urvan na umano’y pag-aari niya.


Para sa kaalaman ng lahat, itong si Valeriano Miguel ang team leader ng kinatatakutang “Black Tank”, isa sa motorcycle units ng MMDA na nasa ilalim ng tanggapan ni Tolentino. Sa madaling salita, isa siyang bata ni Tolentino!


Sa totoo lang, ang lulupit manghuli ng kolorum na mga sasakyan si Miguel, kasama ang mga bata niya. Kahit na kabaro nila ay tinatabla. Sa pagkakaalam ko pa, may isang driver na sumagasa sa kanya dahil sa panghuhuli niya ng kolorum.


Ang kapal ng mukha ng gagong ito. ‘Yun pala, siya mismo ay nangongolorum din! Isa ka pala sa pasimuno ng colorum operation. Ano ba naman ‘yan, chairman?


Marami ang nagtataka at nagtatanong kung papaano raw nakabili ng bagong van itong si Miguel, saan ka kumuha ng pang-down payment mo? Saan ka rin kumukuha ng pang-monthly amortization mo riyan, samantalang kakarampot lang ang suweldo mo at wala pa sa minimum?


Ano kaya ang masasabi rito ni Chairman Tolentino. Chairman, sir, ‘di mo ba paiimbestigahan itong si Miguel? Sabagay, magkaroon man ng imbestigasyon ay magiging moro-moro lang din dahil sinasabi mismo sa loob ng opisina ng MMDA na itong si Miguel ay isa sa pinakabagyo at pinaka-trusted niyang tao.


Sinasabing bago pa man naipalabas ang video footage ay pumoste na ang grupo nito sa Ortigas Center at nanghuhuli ng PUV’s para raw makabawi dahil sa hinalang ‘yung transport group sa lugar na iyon ang nagpatira sa kanya.


Habang isinusulat ko ang pitak na ito, patuloy sila sa pananalasa sa nabanggit na bisinidad. Nakupo!


Napag-alaman ng Lily’s Files na noong nakaraang taon ay binigyan o ginawaran pa ni Chairman Tolentino ng parangal itong si Miguel at kahit bago pa lang ito sa ahensya ay niregular niya agad, kasama ang mga tauhan nito sa Black Tank?

Gaano po ito katotoo, Chairman Tolentino?

Nakupo, kung totoo man ito, Mr. Chairman, dapat ay bawiin mo na lang ‘yung parangal sa kanya dahil sa pagkakahuli nito ay hindi magandang ehemplo sa mga kawani ng buong ahensya.


The post TEAM LEADER NG MMDA PROMOTOR NG KOLORUM appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



TEAM LEADER NG MMDA PROMOTOR NG KOLORUM


No comments:

Post a Comment