Thursday, November 28, 2013

POUND FOR POUND KING

KASAMA ang Bigwas sa mga kababayan nating nagalak sa pagkapanalo ni Sarangani Congressman Manny Pacquiao sa kanyang pakikipaglaban kay Brandon Rios. Gayunpaman, aaminin ko rin na kung noon ay pinipilit kong makapanood ng live sa mga laban ng ating Pambansang Kamao ay mas pinili ko pa ngayong sumali sa Tour of the Fireflies sa araw mismo ng kanyang laban.


May kaunting kurot ng guilt sa aking damdamin lalo na noong malaman natin na nanalo via unanimous decision si Pacman. May isang bahagi ng aking puso ang nagsasabing tila tinalikuran ko ang aking obligasyong suportahan ang ating Pambansang Kamao tuwing siya ay sumasabak upang ipaglaban ang ating dangal bilang mga Pinoy.


Gayunpaman, kung ang ating pag-uusapan ay ang karera ni Pacquiao sa boxing at hindi ang kanyang pagiging isang ipinagmamalaking Pinoy, kasama tayo sa mga naniniwala na ang kanyang panalo laban kay Rios ay hindi sapat upang kanyang maibalik ang kanyang pagiging “pound-for-pound king.”


“No Mas” ‘ika ang nangyari at talagang naging one-sided ang laban. Ito rin ang dahilan kung bakit marami ang nagsasabi na mukhang pilit at hindi bagay na si Rios ang dapat makaharap ni Pacquiao. Marami rin ang nagsasabi na bagama’t mabilis at maliksi pa itong si Pacman ay tila wala na ang kanyang ipinagmamalaking super knockout punch.


At hangga’t ‘di muling naghaharap ang ating Pambansang Kamao at ang kanyang mahigpit na karibal na si Juan Manuel Marquez, wala tayong paraan upang mapabulaanan o mapatunayan ang mga ganitong pananaw.


Ito ang nakikita natin na tanging sukatan kung dapat pa nga bang ipagpatuloy nito ang kanyang pagboboksing o magretiro na lamang upang manilbihan bilang isang kongresman.


Hangga’t hindi si Marquez ang makahaharap ni Pacquiao, naniniwala ako na ang ating pagbubunyi sa kanyang matagumpay na laban kay Rios ay malulunod din sa kalaunan ng mga agam-agam tungkol sa kanyang kakayahang magpatuloy sa larangan ng boksing.

‘Yan ang ating pananaw kung ang pagiging boksingero ni Pacquiao ang pag-uusapan. Subalit kung ang kanyang pagiging Pinoy ang ating titingnan, patuloy natin itong iniidolo.


Bilang isang Filipino ay patuloy tayong nagpapasalamat sa kanyang pagbibigay ng magandang halimbawa sa ating mga kababayan upang patuloy silang magpursigi na marating ang kanilang mga pangarap.


Patuloy nating ipinagmamalaki ang kababaan ng kanyang loob, ang kanyang pagiging maka-Diyos na siyang nagiging dahilan kung bakit marami ang nagmamahal sa kanya hindi lang ng kanyang mga kapwa Filipino kundi maging ang iba’t ibang lahi sa bawat sulok ng mundo.


The post POUND FOR POUND KING appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



POUND FOR POUND KING


No comments:

Post a Comment