Kapwa sumalo sa liderato ng juniors at men’ s divisions ang mga koponan ng Emilio Aguinaldo College matapos nilang pataubin ang nakatunggaling guest school Lyceum of the Philippines University kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 89th NCAA volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Nagtala si Ishmael Rivera ng 19 puntos, kinapapalooban ng 18 hits, para pangunahan ang EAC Brigadiers sa paggapi sa Lyceum Junior Pirates, 25-14,25-21,25-17.
Dahil sa kanilang panalo, ang kanilang ikatlong sunod sa torneo, tumabla ang Brigadiers sa namumunong San Sebastian College Staglets sa pangunguna sa juniors division.
Sa men’ s division, nagposte naman ng game high 26 puntos si Howard Mojica, kabilang na rito ang 22 hits, isang block at 3 aces, para pamunuan ang Generals sa kanilang tagumpay kontra Pirates, 25-27,25-23,25-13,25-17.
Nag-ambag naman ang mga kakamping sina Kurth Melliza at Sid Raymund Miguel Gerella ng 19 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Dahil naman sa pagkabigo, bumaba ang Junior Pirates sa patas na barahang 2-2 habang lalo namang nabaon ang Pirates sa ilalim ng standings ng seniors division dahil sa pagkahulog sa ikaapat na sunod nilang kabiguan. – Marivic Awitan
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment