KAHIT first movie ever ni James “Bimby” Aquino Yap ang My Little Bossings, hindi pwedeng pumunta ang ama ng bata sa premiere night ng pelikula.
Pa-cool na “No…no…” ang sagot ni Kris Aquino sa tanong sa kanya nu’ng press conference para sa nasabing pelikula kung iimbitahan n’ya si James Yap sa premiere ng kauna-unahang pelikula ng anak nilang si Bimby.
At pwede talagang ipa-ban ni Kris ang ex-husband n’ya na makapasok sa kung saan mang sinehan na pagdarausan ng premiere night ng My Little Bossings. Co-producer siya ng pelikula. For the first time nga raw, naki-50-50 siya sa pamumuhunan ng pelikula na involved din siya bilang aktres.
Siyempre pa, si Vic Sotto ang co-producer n’ya bagama’t may investment din sa pelikula ang APT Productions ni Tony Tuviera at ang OctoArts Film ni Orly Punzalan.
Well, anyway, pwede namang manood si James ng pelikula ng anak n’ya sa regular showing nito sa Metro Manila Festival. At dahil pampamilya ang pelikula, pwedeng isama ni James ang current girlfriend n’ya na isang banyaga (na nakaiintindi naman siguro ng Filipino, dahil nakare-relate siya kay James na hindi naman sanay mag-Ingles).
Anim lang pala ang eksena ni Kris sa My Little Bossings. Ayon mismo kay Kris, mas pelikula ito nu’ng apat: sina Vic, Aiza Seguerra, Ryza Mae Dizon, at Bimby.
Sa istorya, book keeper ni Kris ang biyudong si Vic sa isang kumpanya kung saan co-owner si Kris. Anak naman ni Kris si Bimby. “Pamangkin” naman ni Vic si Aiza na isang araw ay may iuuwing batang babae sa bahay nila ni Vic. Ampon daw n’ya ang bata (Ryza Mae).
Magkakaproblema si Kris sa business partner n’ya na pagbibintangan siyang involved sa isang pyramiding scam. Ipapa-wanted si Kris sa mga pulis, magtatago siya, pero ‘di n’ya isasama si Bimby. Sa halip, ipagkakatiwala n’ya ito kay Vic. Kaya sa bahay ni Vic sa isang middle-class district sa Makati magkakakilala at magkakaroon ng love-hate relationship sina Bimby at Ryza.
Comedy ang pelikula, basically, but towards the end, magiging dramatic dahil sa pagbubulgar ng tunay na relasyon nina Vic at Aiza sa istorya.
May mga lihim pala sila. ‘Yan ay ayon sa direktor ng pelikula na si Marlon Rivera (yes, ‘yung indie filmmaker na nagdirek ng Babae sa Septic Tank ni Eugene Domingo).
Magiging romantic din ang Little Bossings–dahil made-develop si Kris kay Vic.
Ayon naman sa milyonaryang katoto namin sa panulat na si Aster Amoyo, naging sina Vic at Kris noon. ‘Di nailinaw ni Aster kung nangyari ‘yon bago nakipag-live in si Kris serially kina Philip Salvador, Joey Marquez, at nagpakasal kay James Yap. O pagkatapos ba ‘yon nu’ng panahong nagsuntukan daw sina Robin Padilla at Richard Gomez kung saan dahil pinag-aawayan nila si Kris?
Well, anyway, sabi naman ni Kris nu’ng presscon, never naman daw naging sila ni Vic. Pero friends daw sila ni Bossing for more than 20 years na.
It’s a kind of friendship daw that remain alive maski na hindi sila nagkikita o nagtatawagan sa telepono. Iginiit ni Kris na mabuti na ‘yung ‘di na mahaluan ng romantic ingredient ang friendship nila dahil “alam n’yo na namang ‘di maganda ang track record ko sa mga relasyon ko.”
As for Vic, in-evade n’ya ang pagsagot sa tanong ni Aster tungkol sa naging relasyon umano nila ni Kris noon.
Si Kris nga pala ang nagrekomenda kay Bossing na si Marlon ang kunin nitong director. Nagpahanap si Vic ng kopya ng Babae Sa Septic Tank, pinanood n’ya ‘yon—pero hindi n’ya tinapos. Kasi nga ay nagpasya na siya halfway through the film na okey lang sa kanya na si Marlon ang magdirek sa My Little Bossings.
Oo nga pala, naikwento ni Kris na last year pa kinukuha ni Vic si Bimby para mag-guest sa isa n’yang pelikula. Inamin ni Kris na ‘di siya pumayag—dahil ang gusto n’ya ay isang pelikula na pagsasamahan nila ni Vic – at silang dalawa ang bida, hindi guest lang ang anak n’ya.
Natandaan ni Vic ang sagot na ‘yon sa kanya ni Kris, kaya nu’ng nag-iisip siya ng gagawin n’yang projet, ang naisip agad n’ya ay ‘yung may batang role na pwede si Bimby. Tinawagan n’ya si Bibeth Orteza para magpaisip ng istorya at magpagawa na rin ng synopsis. Nagustuhan naman ni Kris ang istorya at ang magiging papel ni Bimby kaya pumayag siya. Parang secondary na lang sa kanya na kasali rin siya sa pelikula.
Alam n’yo bang hindi na binayaran ni Kris ang sarili n’ya bilang aktres sa My Little Bossings? Magugulo pa raw kasi ang budget nila kung maglalagay pa siya ng item para sa sarili n’ya bilang aktres.
Bumanat naman si Vic na siya naman daw ay “minimal” lang ang bayad bilang aktor. Biglang malambing na sumabad si Kris at sinabing “hindi ‘yon minimal, ha?” Pero, siyempre, pareho silang walang ibinunyag na presyo kung magkano ‘yung “minimal” talent fee ni Bossing.
Hindi rin ibinunyag ni Kris kung magkano ang talent fee ni Bimby, at kung pantay lang ang bayad nila ni Ryza Mae.
Pero mukhang maganda at masayang pelikula ang My Little Bossings para sa darating na filmfest.
Nasa cast din nito sina Barbie Forteza, Noel Coleta, Jaclyn Jose, at Jose Manalo.
The post Nakare-relate sa boyfriend na hindi masyadong marunong magsalita ng Ingles! appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment