INIULAT ng Department of Health (DOH) na tinatayang aabot sa P1.4 bilyon ang halagang kakailanganin nila para sa pagkumpuni ng mga health facilities na napinsala ng super bagyong Yolanda, gayundin sa pag-iwas sa pagkalat ng mga sakit, kabilang na ang mga maintenance medications para sa hypertension, heart diseases, at diabetes.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, may 432 health facilities ang napinsala sa MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, at Eastern Visayas dahil sa pananalasa ng super typhoon at karamihan sa mga napinsala ay yaong mga barangay health stations sa bilang na 296, rural health units (97), hospitals (38) at ang DOH Eastern Visayas regional office.
Ang kabuuang halaga ng mga naturang pinsala ay aabot ng tinatayang P1.17 bilyon.
Kaugnay nito, nabatid na hanggang nitong Nobyembre 27, ang bilang ng konsultasyon sa lahat ng apektadong rehiyon ay umabot na sa 70,056 na may 2,794 na natanggap sa iba’t ibang health facilities.
Kabilang sa top five consultations ay mga trauma/typhoon-related injuries, respiratory tract infection, acute gastroenteritis, hypertension at diabetes, at mga sakit sa balat.
Ang 835 sa mga pasyente ay mula sa Tacloban City at ini-refer sa Cebu at Maynila.
Sa kasalukuyan ay mayroon na umanong 172 medical/public health teams na naka-deploy sa mga apektadong rehiyon, 86 ay mula sa DOH, 63 foreign teams at mga non-government organizations.
Upang matugunan ang public health needs ng mga bata, pinalawak pa ng DOH at ng World Health Organization ang programa nito sa pagbabakuna sa mga bata laban sa polio at tigdas, at pamamahagi ng vitamin A at micronutrient supplementation, oral rehydration salts at zinc syrup.
May 4,000 emergency delivery kits at iron supplementation para sa buntis at post-partum women ang kakailanganin.
Para naman sa mosquito control upang maiwasan ang dengue at chikungunya, kinakailangan ang cycles ng insecticide spraying sa mga evacuation centers at pamamahagi ng insecticide-treated nets sa mga displaced families.
Aabot din umano sa P17.6 milyon ang kakailanganin sa maintenance medications para sa hypertension, diabetes, at heart diseases.
May P29 milyon naman ang kailangan para mabakunahan ang mga senior citizens laban sa influenza at pneumococcal disease, habang P6.48 milyon naman ang ilalaan para sa mga mahahalagang gamot at supply para sa primary
care.
Tiniyak naman ni Ona sa publiko na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang maibalik sa normal ang lahat at ang kasalukuyang kondisyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyo ay pansamantala lamang.
The post P1.4B kailangan sa pagsasaayos sa health facilities sa Eastern Visayas appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment