MAHIGIT dalawang linggo na nang mag-umpisa ang isa sa mga pinakamatagumpay na volunteer action group, ang Oplan Hatid. Ito’y nabuo dahil sa mga biktima ng Yolanda sa lalawigan ng Leyte at Samar na lumilikas patungong Cebu at Maynila at lumalapag sa Villamor Airbase sakay ng C-130. Isa ako sa pinalad na makatulong dito. Ang trabaho namin, kumuha ng pasahero sa Villamor Airbase at ihatid sa kanilang tutuluyan sa Luzon. Siyam na araw akong naging volunteer driver at iba’t ibang istorya ang aking narinig sa mga biktima ngunit pawang nakalulungkot o nakaiiyak.
May maliit na volunteer group kami sa motoring beat na nabuo noong bagyong Ondoy. Kaya naman nang malaman namin sa aming kasamahang si James Deakin ng C! Magazine ang tungkol sa Oplan Hatid ay agad kaming nakiusap sa mga kaibigang car manufacturer upang humiram ng mga sasakyan para gamitin sa Oplan Hatid. Muli akong nagpapasalamat kay Steven Tan at kasamang sina Sherlyn Co, Joseph Ayllon, Isa Suarez at kay Tonyo Silva ng iba’t ibang kompanya ng sasakyan. Dahil sa inyo ay marami-rami kaming napagsilbihang mga biktima na walang ibang reaksyon kundi ang matuwa at taos-pusong nagpasalamat sa amin nina James, Ardie Lopez, Jeff Reyes at sa aming mga kaibigang private volunteer driver na sina Geoffrey Banzon, Cokee Tiglao at mag-asawang Oby at Cj Garces.
Ito ang isang karanasan sa buhay namin na hindi namin malilimutan. Kaya naman gusto ko ring magpasalamat sa huling pagkakataon sa Core group ng Oplan Hatid. Sa mag-asawang Junep at Cel Ocampo, James Deakin, Leah Lagmay, Bugsy del Rosario at marami pang iba.
Sa mga daan-daang volunteer driver, mabuhay kayong lahat!
Mahigit sa 17,000 bikitima ang natulungan ng Oplan Hatid. Malaki man o maliit ang numerong ito pero isa lang ang masasabi ko, hindi madaling magpangiti at magpasaya ng 17,000 katao.
Hanggang ngayong alas-6 ng gabi (Linggo) na lang ang Oplan Hatid at pagkatapos nito ay ililipat na ang operasyon nito sa DSWD gamit ang pangalang HATUD KABAYAN.
Bukas pa rin po ang HATUD KABAYAN sa mga private volunteer kaya tuloy lang po kayo sa Villamor Airbase.
The post TAKIPSILIM appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment