Wednesday, November 27, 2013

HINDI DAHIL SA NAMATAYAN AY OK NA ANG KAPALPAKAN

NAKIKIRAMAY tayo sa mga kaanak ng nasawing lady weather forecaster sa Tacloban City sanhi ng super bagyong Yolanda.


Ito Ang Totoo: Nakikiramay tayo dahil bukod sa nagbuwis ng buhay iyong tao habang tumutupad sa tungkulin, ginagamit pa ang kanyang sinapit bilang panakip-butas sa kapalpakan ng mga kinauukulan.


Unang ginamit ng Philippine Weathermen Employees Association (PWEA) ang pagkamatay ng kawawang ale sa pagsagot sa komento umano ni Ted Failon ng ABS-CBN kaugnay ng kakulangan ng kaalaman ng weathermen kung ano ang “storm surge.” Hindi natin ipinagtatanggol si Ted Failon dahil kayang-kaya niyang idepensa ang sarili.


Kung naiintindihan nga naman ng PWE, este PWEA, pati ni Dept. of Science and Technology (DOST) Secretary Mario Montejo, ang “storm surge”, hindi nila dapat inobliga ang kawawang lady forecaster na manatili sa kinalalagyan nito habang naka-duty.


Kung totoo ang sinabi ng PWE, este, PWEA na patakaran nila na hindi iiwan ng naka-duty na forecaster ang kanilang opisina anoman ang mangyari, dapat kasuhan ng “murder” ang may pakana ng naturang patakaran.


Bago pa dumating ang bagyo ay alam na ng mundo ang direksyon nito at alam na rin na ito ay lubhang malakas at papatay sa mga tatamaang nasa bulnerableng lugar, kaya walang dahilan para manatili pang pisikal sa opisina nila ang kawawang lady forecaster.


Kaya “murder” talaga ang dapat ikaso kasi alam na ngang nakamamatay ang super hangin, super ulan at super “storm surge” ng Yolanda ay inobliga pa ring manatilli sa lugar ang lady forecaster para mamatay.


Kung alam nga nila, o baka naman wala talagang nalalaman kundi puro porma lang.


Isa pa itong hepe ng DOST National Operational Assessment of Hazards na si Mahar Lagmay na ang pagkamatay ng lady forecaster ang sagot sa pahayag ng mataas na opisyal ng United Nations na si Margareta Wahlstrom, kinatawan sa Disaster Risk Reduction ng UN Sec-Gen. Ito Ang totoo: Ayon kay Wahlstrom, hindi sineryoso ng Pilipinas ang banta ng kalamidad kaya maraming buhay at ari-arian ang nawindang kay Yolanda.


Eksperto si Wahlstrom sa usapin ng “disaster” at itong si Lagmay ay napakababaw ang tuntungan para magpalusot sa kapabayaan kung hindi kapalpakan. Ito Ang Totoo!


The post HINDI DAHIL SA NAMATAYAN AY OK NA ANG KAPALPAKAN appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



HINDI DAHIL SA NAMATAYAN AY OK NA ANG KAPALPAKAN


No comments:

Post a Comment