MARAMI nang bansa ang nagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong ‘Yolanda’ sa Kabisayaan. Ang iba ay nagbigay ng limpak-limpak na pera. Ang iba ay nangako pa lamang pero makararating daw sa mga kinauukulan. Pero kung kukuwentahin, bilyon-bilyong piso na aabot ang perang tinanggap ng bansa para sa mga biktima ng bagyo.
Ang tanong: Saan ibinagsak ang mga pera? Kaninong kamay ibinigay? Sino ang mga tumanggap? Kaninong account sa bangko? Pati mga TV network ay nanghingi ng tulong pinansiyal para sa biktima ni ‘Yolanda’. Meron ding government agencies at ilang non-government organization.
Talagang limpak-limpak na salapi ang bumuhos mula sa iba’t ibang bansa. Hindi ito biro at hindi dapat mapaglaruan. Saan ba talaga ito dapat dalhin? Pero sa mga lumalabas na balita, kaunti pa lamang sa mga biktima ng bagyo ang nararating ng tulong. Marami pa rin ang nagugutom. May mga lumuwas ng Maynila ‘pagkat wala nang matirhan…sinira ng bagyo ang kanilang mga bahay.
Saang ahensiya ang maaaring magkuwenta at maghanap sa mga perang tulong? Dapat ay kuwentado at malinaw ang lahat. May ilang bansa na nagkaroon ng pagdududa sa gobyerno.
Noong una ay ayaw ng mga bansang ito na direktang ibigay sa pamahalaan ang kanilang tulong sa pangambang magamit sa kalokohan at pamumulitika. Pero sabi nga, kailangan talagang idaan sa gobyerno para sa maayos na pamamahagi.
E, nasaan na nga ang mga ibinigay na pera?
Sino ang dapat maghanap? Anong grupo ang dapat mag-ingat? Dapat siguro ay magkaroon ng pagsisiyasat sa usaping ito. Ang Kongreso ba ang dapat mag-imbestiga? E, marami sa miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang sinisiyasat dahil sa pangungurakot ng pera.
Sa aking palagay, dapat magtalaga si Pangulong Aquino ng mapagkakatiwalaang ahensiya o grupo para magkuwenta sa ibinabagsak ng iba’t ibang bansa na perang tulong sa mga biktima ng bagyo, hindi lang ni Yolanda.
Hindi dapat mapunta sa bulsa ng mga kawatan ang ayuda ng iba’t ibang bansa sa lahing Pinoy na nasalanta ng mga trahedya. Ipakita nating hindi sugapa ang Pinoy sa pera at patunayang karapat-dapat nga tayong tulungan sa oras ng mga kalamidad.
Kung magagamit sa tama ang mga ibinigay na pera ng maraming bansa, mabilis ngang makarerekober ang mga biktima ng nakalipas na lindol at bagyong ‘Yolanda’.
The post ‘ASAN NA ANG MGA ITINUTULONG NA PERA? appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment