Wednesday, November 27, 2013

Calamba, umatras sa SEA Games

Hindi lamang ang World Universiade gold medalist na si Super Grandmaster Wesley So ang hindi mapapasama sa Pilipinas sa nalalapit na 27th Southeast Asian Games kundi maging ang kasalukuyang world poomsae champion na si Mikaela Calamba.



Si Calamba, nagwagi sa kanyang ikalawang sunod na gintong medalya sa individual freestyle sa nakalipas na world championships sa Bali, Indonesia, ay nagpaalam na hindi makakasali sa SEAG sa ipinadala nitong sulat dahil sa kanyang pag-aaral at kagustuhan ng pamilya.


“She writes to us and reasoned out family matters and school,” sinabi ni national poomsae coach Jean Pierre Sabido.

“We’re disappointed but we’re still confident because we have a competitive team, we have a member of the gold-winning team to take her place,” pahayag pa ni Sabido


Si Calamba ay papalitan ng kapwa Cebuana na si Rinna Babanto sa Philippine taekwondo team na inaasam na iuwi ang gintong medalya sa kada dalawang taong torneo sa Myanmar.


Nagkakaisa naman ang coaching staff na isama si Babanto, kasamahan ni Calamba sa koponan na nagtagumpay ng gintong medalya sa team female under-17 division, sa pinakahuling world championships.


Makakasama ni Babanto sina Rani Ann Ortega at Ma. Carla Janice Lagman sa kababaihan habang ang kalalakihan ay binubuo naman nina Raphael Enrico Mella, Vidal Marvin Gabriel at Dustin Jacob Mella.


Si Babanto ang pinakahuling makakasama sa pambansang delegasyon na umabot na sa 209 mga atleta matapos na aprubahan ng SEAG Task Force ang wrestler na si Jimmy Angana at wushu artists na sina Kariza Kriz Chan at Natasha Enriquez sa duilian event.


Si So ay una nang nagpahayag na hindi makakasama sa pambansang koponan dahil sa kanyang pag-aaral bagamat sinasabi na isa lamang itong dahilan matapos hindi kilalanin ng Philippine Olympic Committee (POC) ang kanyang iniuwing karangalan mula sa World Universiade na ginanap sa Kazan, Russia. – Angie Oredo


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Calamba, umatras sa SEA Games


No comments:

Post a Comment