Wednesday, November 27, 2013

MALALANSAG

Sa isa pang walang katapusang pagkakataon (nth time), isinisigaw ng sambayanan: walang mararating ang Anti-Dynasty Bill. Ibig sabihin, ‘dead-on-arrival’ sa Kongreso – Senado at Kamara – ang naturang panukalang-batas; mananatili ito sa back burner at ililibing sa limot ng mga mambabatas, lalo na ng mismong mga nalulukuban ng political dynasty.



Katunayan, iniulat kamakailan na 156 Kongresista ang hayagang tumututol sa pagsasabatas ng nabanggit na bill. Maaaring gayon din sa Senado. Ang dalawang kapulungan ay parehong umaalma kapag pinauusad na ang paglipol sa political dynasty – ang masamang sistema ng pulitika na pinaghaharian ng mag-asawa, magkakapatid, mag-aama at mag-iina; pati ang mga apo at kaapu-apuhan ay nagiging bahagi na rin ng dinastiyang pampulitika.


Sa kasalukuyang sistema, halimbawa, hindi ba maymga magkakapatid at mag-aama na naihalal sa Senado? Talamak ang ganitong sistema sa Kamara at maging sa mga local government units (LGUs) na pinamumunuan ng gobernador, mayor, bokal at konsehal na kabilang sa iisang pamilya. Sa mga barangay ay gayon din ang situwasyon.


Iisa ang iminamatuwid ng mga nakayakap sa political dynasty: inihalal kami ng mga mamamayan at ginagampanan naman namin ang aming mga tungkulin. May lohika ang kanilang paninindigan. Maliban sa mga tiwali at mga sangkot sa kriminalidad, talaga namang marami sa kanila ang huwaran at maipagkakapuri sa paglilingkod sa bayan.


Ang dinastiya, kung sabagay, ay hindi na bago sa lipunang pampulitika. Sa iba’t ibang bansa – sa US at sa Asya – naririyan ang mga mag-aama at magkakapatid na hali-haliling umugit sa kani-kanilang gobyerno. Maging noong sinaunang panahon – at hanggang ngayon – naririyan pa rin ang mga lahi ng Ming at Han Dynasty ng China.


Naniniwala ako na ang political dynasty ay malalansag – hindi ng nabanggit na panukalang-batas – kundi ng mismong mga mamamayan na boboto laban sa paghahari ng nasabing bulok na sistema ng pulitika.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



MALALANSAG


No comments:

Post a Comment