BILANG pagsusulong ng karapatan ng lahat para bomoto, magsasagawa ng satellite registration para sa mga bilanggo ang Bureau of Jail Management and Penology-Marikina (BJMP-Marikina) kasama ang Commission on Elections (Comelec-Marikina) sa Marikina City Jail bukas, Setyembre 5.
Ayon sa BJMP-Marikina, 218 na mga bilanggo (as of September 2) ang nagsumite na ng kanilang aplikasyon para magpatala bukas na magsisimula sa 9:00 ng umaga at magtatapos sa 3:00 ng hapon.
Sa proseso ng pagpapatala, maaaring gamitin ng mga bilanggo ang kanilang address ng tirahan sa Marikina o address ng BJMP-Marikina bilang bahagi ng pagsasanay ng kanilang karapatan sa pagboto.
Ayon sa Comelec Resolution No. 8811, ang pagboto ng mga bilanggo ay maaaring sa pamamagitan ng espesyal na polling place sa loob ng kulungan o escorted voting na maaaring makuha ng sinumang rehistradong bilanggo na ang registration record ay hindi deactivated o kanselado.
Ikinatuwa naman ni “Dong” (hindi tunay na pangalan) ang pagkakataong ibinibigay upang magamit ang kanilang karapatan sa pagboto sa pamamagitan ng satellite registration at escorted voting.
“Natutuwa ako na maaari pa rin kaming bumoto kahit kami ay kasalukuyang nakabilanggo. Sa ganitong paraan, nabibigyang halaga ang aming mga tinig at pagpili ng mga susunod na mamumuno sa ating pamahalaan,” wika ni Dong.
Samantala, patuloy pa rin ang pagpapatala ng BJMP-Marikina para sa Alternative Learning System para rin sa mga bilanggo. Ito ay nakapaloob sa development welfare program na nagkakaloob ng mga programang pangkabuhayan, tulong ispiritwal, at palakasan para sa kanila.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment