MUKHANG sky is the limit o todo-todo na ang pangangampanya sa halalan ng mga politiko sa pamamagitan ng radyo at telebisyon.
Ito’y makaraang ibasura ng mga mahistrado Supreme Court sa botong zero ang mga resolusyon ng Commission on Elections na kumokontrol sa haba ng oras ng kampanya ng mga politiko sa radyo at telebisyon.
Nauuso yata ngayon ang zero vote gaya ng nangyari sa Priority Development Assistance Fund at Disbursement Acceleration Program.
Bakit kaya, parekoy?
Sabi ng SC, labag sa karapatan para sa malayang pamamahayag ang mga resolusyon ng Comelec.
Nagdesisyon naman ang Comelec na huwag na nitong iapela pa ang desisyon ng SC dahil bokya na nga sila sa boto.
‘Yung gastos na lang umano ang kanilang babantayan.
‘Yang sobra-sobrang gastos ng mga politiko ang nagiging batayan ng Comelec para patalsikin sa puwesto ang ilan nang mga nanalo nitong nakaraang halalan.
Mukhang dapat na kuwestyunin din ito, parekoy, kaugnay ng zero vote sa nasabing karapatan sa pangangampanya.
Kasi, paano ka makagagamit ng gusto mong oras sa radyo at telebisyon kung lilimitahan naman nang todo ng Comelec ang iyong gastos para rito?
Kung mananatili man na armas ng Comelec laban sa mga politiko ang paglimita sa gastos sa halalan para umano sa patas na laban, aba, dapat na luwagan din ito.
Sa ibang salita, magiging inutil ang pagpapatupad ng desisyon ng SC kung kokontrolin mo naman ang gastos.
Marahil, kung may matibay na batayan sa batas ang pagkontrol gastos sa kampanya, dapat itong muling pag-aralan at luwagan.
Lalo na kung iisipin na mahal ang bayad sa pangangampanya sa radyo at telebisyon.
Pero sa kabuuan, hindi dapat na gawing inutil ng Comelec ang desisyon ng SC sa pamamagitan ng nasabing kontrol sa gastos na maaaring mali ang mga batayan o kwenta.
O kayong mga politiko, dapat ninyong linawin ito dahil interes ninyo ang nakataya rito. BURDADO/Jun Briones
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment