Monday, September 29, 2014

ANG KABALIWAN SA ANTI-TERRORISM LAW

MARAMI tayong nakikitang larawan sa social media ng mga kababayan nating ipinangangalandakan ang kanilang pagsuporta sa teroristang grupo na ISIS o Islamic State of Iraq and Syria. Brutal at mga kampon ni Satanas itong grupong ito kaya hindi natin maisip na may mga kapatid tayong Muslim ang kumakampi sa mga ito.


Pinilipit nila ang kanilang interpretasyon sa Islam at ito ang kanilang pilit na pinaiiral. Ang kanilang walang habas na karahasan ay kanilang binibigyan katwiran sa pamamagitan ng tabinging pagpapakahulugan sa mga turo ng Quran.


May mga nagsasabi tuloy na tila nagsisimula na nga ang mga prediksyon ukol sa napipintong pagkagunaw ng mundo. Ang pag-usbong ng terorismo sa pamamagitan ng mga grupong ISIS ay sinasabi nila na senyales ng nalalapit na pandaigdigang pagtutuos ng mga paniniwala.


Ngunit kung ako ang tatanungin, ang ISIS ay likha ng mga taong dapat sana ay nakakulong sa mental. Walang puwang sa kahit anong uri ng relihiyon, ang pagiging asal-hayop kaya nakapagtatakang may mga nagogoyo pa rin ang mga demonyong ito na mga Pinoy.


Ito ang dahilan kung bakit pabor tayo na amyendahan ang Human Security Act of 2007 na mas kilala bilang Anti-Terrorism Law. Napakalaking kalokohan kasi ang ilang probisyon nito dahil na rin sa pangingialam ng ilan nating mambabatas na halatang may mga itinatago.


Tinutukoy natin ang probisyon ukol sa “informed surveillance” na nagtatakda na kinakailangang magpaalam muna ang mga ahente ng gobryerno sa kanilang pinagsususpetsahang terorista na isasailalim sila sa surveillance.


Isinasalang-alang umano ng naturang probisyon ang karapatang-pantao ng ating mga kababayan.


Saan ka naman nakakita ng ganitong katarantaduhan? Paano mo mahuhuli na gumagawa ng kalokohan ang isang suspek sa krimen kung alam niyang minamanmanan siya ng mga otoridad? May ginamit bang kukote ang ating mga mambabatas noong ilagay nila ang probisyong ito sa batas?


Sana naman ay tignang muli ng Kongreso ang naturang batas dahil sa tingin ko ay lalong kakalat ang kabaliwan ng ISIS sa Pilipinas. Kailangan nating maging handa sa pakikipagtuos sa mga kampon ng demonyo.


***

Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN


.. Continue: Remate.ph (source)



ANG KABALIWAN SA ANTI-TERRORISM LAW


No comments:

Post a Comment