Monday, September 29, 2014

EPEKTIBO ANG DEMOLITION JOB NI ROXAS KAY BINAY

MUKHANG umeepekto ang pamumulitika ng mga karibal ni Vice-President Jejomar Binay para sa 2016 presidential elections matapos ang malaking pagbagsak ng kanyang rating. Ang rating ay ukol sa mga taong posibleng kandidato sa susunod na pampanguluhang halalan.


Isang araw pa lang matapos magwagi bilang Bise-Presidente noong 2010, agad inihayag ni Binay ang kanyang ambisyon na maging susunod na Pangulo. Kaya hayun, trinabaho na agad siya ng kanyang mga “political enemy” para wasakin tungo sa kanyang pangarap na maluklok sa Malakanyang.


Si DILG Sec. Mar Roxas ang mahigpit na karibal ni Binay noon pa man, pero wala namang pag-amin sa kampo nito na sila ang nasa likod ng “demolition job” kay

Binay. Sobrang pagkapahiya ang inabot ni Roxas nang biguin siya ni Binay noong 2010 elections. At maraming nagsasabi o nanghuhula na si Roxas ang nagpapakilos ng pagsingaw ng mababahong isyu laban kay Binay at sa buong pamilya nito.


Sa Pulse Asia survey, bumagsak ng 10% ang rating ni Binay bilang posibleng presidential candidate sa 2016 elections. Isinagawa ang survey simula Setyembre 8 hanggang 15 sa kainitan ng pagdinig ng Senado sa overpriced Makati City Hall building. Mula sa 41% noong Hunyo, naging 31% na lang ito ngayon.


Agosto naman nang paimbestigahan ni Sen. Antonio Trillanes ang isyu at maging ang iba pa umanong kuwestyonableng transaksyon sa Makati nang alkalde pa ang bise-presidente. Nagpapatuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee sa isyu kung saan lumutang at inakusahan si VP Binay ng mga dating kaalyado nito ng pag-kickback sa infrastructure projects sa Makati, kabilang na ang P2.2-bilyong ‘parking building.’


Hanggang ngayon ay hindi pa ito sinasagot sa Senado ni Binay at ito ang hinihinalang nagpalagapak sa kanyang rating. Panay iwas umano ang ginagawa ni Binay kaya marami ang nagsasabi na hindi talaga nito kayang sagutin dahil baka umano ito ay may katotohanan.


Kasunod ni Binay sa rating ay si Roxas mismo. Kitang-kita na naging malaki ang pakinabang niya sa mga upak kay Binay. Umangat siya ng 6% kaya naging 13% na siya mula sa dating 7% noong Hunyo.


Pero hindi pa rin dapat matuwa si Roxas. Hindi ito nangangahulugang siya na ang susunod na Presidente dahil mayorya ng Pinoy ay wala talagang “kaelib-elib” sa kanyang mga pinaggagagawa sa administrasyon ni PNoy.


Lalong hindi dapat matuwa si Binay sa nangyayari sa kanyang karera. Baka nga raw matulad siya kay ex-Senator Manny Villar na noong bago mag-2010 ay nangunguna ngunit biglang naigpawan ni PNoy.


Mahaba pa ang karera papunta sa finish line kaya asahang marami pa ang mangyayaring “babuyan” sa mga nag-aambisyong maging Presidente.


Sige lang, manonood lang kami. KANTO’T SULOK/NATS TABOY


.. Continue: Remate.ph (source)



EPEKTIBO ANG DEMOLITION JOB NI ROXAS KAY BINAY


No comments:

Post a Comment