Monday, September 29, 2014

Pangunguna sa survey ni Binay, dedma sa Palasyo

HINDI big deal sa Malakanyang ang pananatiling angat sa survey ni Vice-President Jejomar Binay kahit nalagasan pa ng 10 puntos ang suportang nakuha nito sa taumbayan matapos madawit sa kontrobersyal na overpricing ng Makati City Hall building 2.


Sa isang text message, sinabi ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na mas mahalaga sa kanilang ituloy ang mabuti at maayos na pamamahala at pakinggan at tugunan ang mga karaingan ng mga boss ni Pangulong Aquino kaysa makisawsaw sa isyu ng survey.


Ipinauubaya na lamang nila umano ang usaping ito sa mga tagapagsalita ng iba’t ibang partido.


Si Binay ay nakasungkit ng 31% sa tanong na kung iboboto ba nila ang bise-presidente bilang Pangulo kung ang eleksyon ay idaraos ngayon.


Ang survey ng Pulse Asia ay may petsang Setyembre 8 – 15 na ang 10 percentage points na nakuha ngayon ni Binay ay mas mababa sa 41% na kanyang nakuha sa nakaraang survey ng Pulse Asia na may petsang Hunyo 24 – Hulyo 2.


“We will beg your indulgence and leave the analysis of the survey to the political parties, their spokespersons and to political analysts. While surveys on presidentiables is a matter of keen interest to the public, we remain committed on the president’s principles on good governance and the administration continues to attend to the concerns of our countrymen,” anito.


Batay sa huling survey ng Pulse Asia ay bumaba ang suporta ni Binay sa Metro Manila (33% na dating 44%) at Visayan respondents (27% mula 37%).


BUmaba rin ang suportang nakuha ni Binay sa Class ABC respondents matapos makakuha ng 23 mula sa 36% na resulta ng nakaraang survey.


Nalagasan ng 10% pts. si Binay mula sa Class D respondents at 7% pts. mula naman sa Class E respondents.


Pumalo naman sa pangalawang puwesto si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na nakakuha ng 13% mula sa 7%.


Pumangatlo si Senator Miriam Defensor Santiago na may 11%; sina Senator Grace Poe at dating Pangulo na ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada ay nag-tie naman sa pang-apat na puwesto makaraang makakuha ng tig-10% mula sa mga respondents.


Si Senator Francis “Chiz” Escudero naman ay nakakuha lamang 5%.


Tinatayang 1,200 representative adults ang kasali sa survey na may edad na 18. KRIS JOSE


.. Continue: Remate.ph (source)



Pangunguna sa survey ni Binay, dedma sa Palasyo


No comments:

Post a Comment