NAGPAPASAKLOLO si Cristina mula sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Ayon sa kanyang email, umalis siya ng Pilipinas noong July 18, 2014. Massage therapist ang pinirmahan niyang trabaho ayon sa kontrata. Ngunit trabaho sa bahay ang ipinagawa sa kanya.
Sa pagkakaalam niya, ban daw kasi doon ang domestic helper kung kaya’t ibang trabaho ang ipinalalagay sa kontrata.
Ayon kay Cristina, hindi maganda ang pagtrato ng kanyang amo. Dalawang beses lang kung magpakain ito sa araw-araw.
Isang tinapay sa umaga at tubig lamang. Bawal ang kape. Susundan lamang ito ng pangalawa at huling kain sa pagitan ng 5:00 p.m. at 7:00 p.m.
Nagsisimula siyang magtrabaho mula 8:00 a.m. hanggang 1:00-2:00 a.m. Mga anim na oras lamang aniya ang tulog niya kung kaya’t ito ang dahilan ng madalas niyang pagkahilo.
Bukod sa labis na oras ng trabaho, sabi ni Cristina, “super sungit si Ma’am… grabe, grabe, grabe po talaga ang ugali”.
Dagdag pa niya, walang kwartong inilaan para sa kanilang kasambahay, at sa sala lamang siya pinatutulog. Nasa gilid lamang aniya ng CR nakalagay ang mga bag at gamit niya.
Nagpadala na siya ng text message sa Gods Fortune agency na siyang nagpaalis sa kanya, ngunit hanggang ngayon walang sagot itong natatanggap.
Pakiusap ni Cristina na makauwi na lamang siya sa lalong madaling panahon dahil hindi naman nasunod ang kontratang kanilang pinirmahan.
Iba ang nakasaad sa kontrata, walang sapat na pagkain, gutom na gutom na aniya siya, at labis-labis ang oras nang pagtatrabaho.
Ipinadala na namin ang reklamong ito sa tanggapan ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz at hihintayin na lang namin ang update mula kay Labor Attache’ David Des Dicang.
MISIS HUMIHINGI NG P200,000 DAHIL WALA NANG SUPORTA KAY MISTER
Masamang-masama ang loob ni Fely, maybahay ng OFW sa Saudi Arabia. Matagal na aniyang walang ipinadadalang suporta ang asawa niya dahil nagkaroon ito ng karelasyon sa Saudi at may mga anak na rin doon.
Kahit anong pakiusap aniya ni Fely, nagawang tiisin ni mister ang kanyang sariling pamilya.
Hindi na nga talaga nagpadala ito. Wala namang magawa si Fely.
Wala aniya siyang tinapos at pa mamasukan lamang ang alam niyang trabaho kung kaya’t hindi rin nakapagpatuloy sa pag-aaral ang kanyang mga anak.
Wala nang mapuntahan kung kaya’t nakikiusap na lamang siya sa Bantay OCW na bigyan siya ng puhunan na halagang P200,000 upang makapagsimula aniya ng maliit na negosyo.
Tiyak aniyang hindi naman siya mabibigyan ng gobyerno ng naturang ayuda dahil hindi naman siya ang OFW at wala siyang anomang pinanghahawakang dokumento na makapagpapatunay na asawa nga niya ang OFW sa Saudi Arabia, gayong hindi naman niya tuwirang binanggit kung ligal ba siyang nakasal kay mister.
Gustuhin man ng Bantay OCW na makatulong kay Fely, ngunit wala kaming kakayahang magbigay ng anomang pinansyal na tulong.
Libreng serbisyo publiko ang hatid ng aming programa kung kaya’t wala kaming ibibigay na salapi o ipapautang man kaya.
Maaari namin siyang tulungan na makausap ang kanyang mister hinggil sa suportang kinakailangan, lalo pa nga’t menor-de-edad pa ang kanilang mga anak.
Gayunpaman, nakadepende pa rin ang suporta sa kakayahan ng magbibigay at sa lehitimong mga pangangailangan lamang ng humihingi. BANTAY OCW/SUSAK K
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment