Tuesday, September 30, 2014

KAWATAN MAGPIPIYESTA

MAY mga kumpanya na ng kuryente na nag-iisip na ibaon na lang nila ang kanilang mga kable o kawad sa lupa para hindi nila problemahin ang pagtatayo ng mga poste ng kuryente na nasisira o natutumba na lang tuwing may malakas na bagyo.


Maiiwasan din umano ang palagiang blackout o brownout sa mga oras ng bagyo, buhawi, storm surge, baha, at kung ano-ano pang mapanira sa mga gamit na pangkuryente.


Maganda ang naiisip ng mga kumpanya.


Pabor naman talaga sa mga mamamayan ang pagkakaroon lagi ng kuryente.


Aba, mahirap, parekoy, sa kasalukuyan ang mawalan ng kuryente na isang araw, isang linggo at isang buwan dahil lang sa mga mapanirang kalikasan.


Hindi ka makapag-facebook at kung ano-ano pa.


Hindi ka makagamit ng computer sa iyong pag-aaral.


Mahirap ding imadyinin kung malobat ang cellphone at nagkaton na may brownout at blackout.


Wala ring mailalabas na produkto ang mga pabrika.


At ang traffic ng sasakyan, lalong magkabuhol-buhol nang walang traffic light.


Wala ring tatakbo na MRT at LRT kahit pa palpak ang operasyon ng mga ito.


Ang dami talagang perwisyong dulot ng mga kawad ng kuryente na nakasabit sa mga posteng nasisira dahil sa masamang kalikasan.


Kaya lang, wala namang nakatitiyak na tuloy-tuloy ang suplay ng kuryente kung nakabaon ang mga ito sa lupa.


Naiisip natin, parekoy, na magpipiyesta ang mga king-inang magnanakaw ng kawad ng kuryente.


Hindi nga sila takot na mangalkal ng kalilibing lang na tao na alam nilang may pabaon, sa pagnanakaw pa ng kawad ng kuryente!


Naiimadyin natin ang mga tirador ng kawad ng kuryente.


Makaraang nakawin ang mga kawad, sinusunog ang mga ito para makuha lang ang mga bronse, alambre, stainless steel, copper, at iba pang katulad na parte ng mga kawad ng kuryente.


Pabor na pabor sa mga kawatan ang nakabaon sa lupa na kawad dahil mas madaling magbungkal ng lupa kaysa umakyat sa mga poste para lang magnakaw.


Ngayon, itutuloy kaya ang pagbabaon ng kawad ng kuryente?


Tingnan natin. BURDADO/JUN BRIONES


.. Continue: Remate.ph (source)



KAWATAN MAGPIPIYESTA


No comments:

Post a Comment