Tuesday, September 30, 2014

PAMAHALAAN: TOTOONG LUNGGA NG MGA KAWATAN

PULIS ang sentro ng kontrobersya sa korapsyon sa ngayon at hindi ang mga politiko.


At ang pinuno pa mismo ang isinasangkot…si PNP chief Director General Alan Purisima.


Tatlong kasong pandarambong ang ngayo’y hinaharap nito sa Ombudsman.


Bukod ito sa Senate investigation in aid of legislation sa halos parehong usaping na sa Ombudsman na sa pamamagitan ng mga nasabing kasong pandarambong.


ANG MGA KASO


Ang isang kaso ay nag-ugat sa kaduda-dudang paggawa ng P11-25-milyon na White House sa loob ng Camp Crame na puro mga kontraktor daw ng PNP ang nagpatayo.


Iba naman ang kasong nag-ugat sa malaking poultry at manggahan ni Purisima at isinaman na rin ang pagpapagawa nito ng White House.


Pangatlong kaso ang pagkakaroon umano nito ng mansyon sa San Leonardo, Nueva Ecija.


Palatandaan umano ang lahat ng ito ng sobra-sobrang yaman na hindi tugma sa kita ng heneral


MAY SAGOT


May sagot naman ang maginoo at ayaw mag-resign o lumiban muna sa puwesto na Heneral.


Sinabi nitong pinaghirapan niya at ng kanyang misis at pamilya ang lahat ng kanilang ipinundar at hindi galing sa nakaw o anomang kailigalan.


Mahigit P1-milyon ang taon-taong kita umano ni heneral at malaki rin ang kita ng kanyang asawa.


Nakapagpundar na rin umano sila ng ilang negosyo gaya ng trucking na doon din sila kumikita.


Wala naman umanong ginastos ang pamahalaan sa pagpapagawa sa White House.


At kulang na lang na sabihin nitong dapat na magpasalamat ang gobyerno rito.


Kaya nga hindi dumaan sa pasubasta ang paggawa ng White House na dating niyari ng Ondoy sa baha pero ngayon ay hindi na lulubog pa.


MALIIT, PALIIT


Kung ihahambing ang mga kontrobersya rito sa mga kontrobersya sa Senado at Kamara, mga Bro, sisiw ang kay Purisima.


Sa Senado kasi, mga Bro, may kumorner ng P1-bilyong Disbursement Acceleration Program pero hindi dinadale ng Ombudsman.


Ang mga may daang milyong pisong DAP at Priority Development Assistance Fund lang ang dinadale.


At lalong sisiw ang P2-milyong kinatkong ng mga Quezon City police na napiktyuran sa EDSA.


ANG PAGKAKAIBA


Sa kaso ni Purisima, sinabi niyang hindi siya magre-resign o liliban sa puwesto dahil pawang mga nasagasaan niya sa reporma ang nagmamaniobra laban sa kanya.


At waepek ang panawagan maging ng mga senador at iba pa na lumiban o magbitiw na lang siya sa tungkulin dahil maaaring hindi na siya epektibo na bosing sa kapulisan dahil sa naglabasang mga masasamang balita sa Senado at sa Ombudsman.


Makaraang mapiktyuran naman ang mga bata ni General Richard Albano sa EDSA hulidap, sibak kaagad sila.


At walang lugar ang anomang rason para sa hindi nila pagbibitiw o pagliban.


Ganito rin sa Senado. Ang mga nasa oposisyon lang ang sinisibak at nananatili sa puwesto at magandang kalagayan ang mayorya.


GENERAL, ANYARE?


Ano na ang nangyayari sa ating bayan, heneral, este, senador?


Maka-administrasyon at oposisyon, batang Malakanyang at kontra-Malakanyang ay kapwa lumalabas na mga korap o mandarambong.


Mahihilig din sila sa mga suhol at pagsuhol.


Nawawalan ng saysay ang Tuwid na Daan.


Lalo na’t inaabogado ng Malakanyang ang mga nasasangkot sa korapsyon at pandarambong na mga batang Malakanyang at mga kaalyado nito habang itinuturing na mga asong ulol ang mga nasa oposisyon o hindi sunod-sunoran ng Malakanyang.


SAAN TAYO PATUTUNGO


Habang nagaganap ang lahat ng ito, nagdududa na talaga ang mga mamamayan kung ano-ano ang mga pinaggagawa ng mga opisyal sa pamahalaan.


Lumalabas kasi ang katotohanan sa paniniwalang ang pamahalaan ay lungga ng mga magnanakaw.


Ginagamit lang ang pamahalaan ng mga taong gustong magpayaman sa pwesto at hindi para sa serbisyo publiko.


At walang pagbabago mula noon hanggang ngayong sinasabing nasa Tuwid na Daan na tayo.


Kung pawang mga kawatan ang mga bosing ng Pilipinas, saan nga tayo pupuntan bilang bansa?


Magiging magnanakaw rin ang mga mamamayan?


Babagsak mismo ang gobyerno na sentro ng nakawan at lungga ng mga magnanakaw?


Anak ng pitong putakte, sa bangin na tayo pupunta niyan.


NAWAWALAN NG SAYSAY


Tila nawawalan ng saysay ang magagandang balita ng Pangulo na nagsimula nang maging maganda ang dinaraanan ng mahal kong Pinas tungo sa pag-unlad at pagbabago.


At ang isa sa mga dahilan dito ay ang pagtatanggol sa mga lumalabas na bulok na itlog sa pamahalaang nasa Tuwid na Daan.


Ginagawang anghel ang mga demonyo Matuwid na Daan.


At habang ginagawa ito, pinagmumukhang guilty na sa anomang bintang ang mga hindi nila kaalyado.


Ang paglapastangan sa katarungan at hindi patas na pagtrato sa lahat ay walang puwang at isinusuka ng mga mamamayan.


Tila nagsisimula nang muling mabuhay at mag-iingay ang mga lansangan.


Kung hindi naman, guguho at guguho ang pamahalaan dahil inakyat na ito ng mga anay.


O kung bakal ang turing sa pamahalaan, kinapitan na ito ng matinding kalawang na siyang sisira mismo sa kabuuan nito.


Kay pait na ending.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



PAMAHALAAN: TOTOONG LUNGGA NG MGA KAWATAN


No comments:

Post a Comment