PALAGIAN nating sinasabi na magandang kaibigan at kakampi itong si PNoy dahil grabe itong magmahal ng kasangga.
Ito ang nakikita ng taumbayan dahil sa halip na imbestigahan niya si DBM Sec. Butch Abad ay kaagad niya itong inabswelto sa DAP.
Maging ang pinuno ng Senado na si Franklin Drilon ay kaagad niyang nilinis ang pangalan tungkol sa bilyong DAP na nakuha nito na pinampatayo rin ng kwestyunableng Iloilo Convention Center na kung saan ang kontraktor din ni VP Jojo Binay ang gumawa.
Ang pinaka-latest na pag-aabogado ng anak ni Tita Cory ay kanyang ginawa kina PNP boss Director General Alan Purisima at DOTC Sec. Jun Abaya na parehas na nasasangkot sa kwestyunableng ari-arian at transakyon sa kanilang pinamamahalaang opisina.
Sa halip na ipag-utos muna ang imbestigasyon o bumuo ng fact finding committee na kanyang ginagawa sa kanyang mga kalaban sa politika ay kaagad itong inaabswelto ni PNoy gayung malinaw sa larawan at videos na nakunan ng isang TV network ang sangkatutak na ari-arian ni Purisima na tiyak nating aabot sa daang milyong piso o bilyong piso pa ang halaga.
Hindi rin kinakitaan si PNoy ng pangil kay Abaya na sinasabi ng Ombudsman na kailangang magpaliwanag ukol sa nilagdaan nitong kontrata noong Oktubre, 2012 na umabot sa $1.15M kada buwan ang ini-award nito sa PH Trams-CB & T para sa buwanang maitenance ng MRT ngunit araw-araw na lang na dumaranas ng pagkasira.
Mahirap ding pasubalian ang initial findings ng Ombudsman na walang bidding na naganap sa naturang transaksyon gayong napakalaki ng halaga nito at lalo silang maiipit dahil nakita rin ng naturang watchdog na ang isa sa opisyales ng PH Trans na si Arturo Soriano ay tiyuhin ng asawa ni Al Vitangcol, dating boss ng MRT at kasama ni Abaya sa kaso.
Kitang-kita sa mga sitwasyon ang katangian ni PNoy at iyan ang dapat sigurong baguhin ng Pangulo dahil bilang pinuno ng estado ay sa kanya umaasa ang mamamayan nang maayos at tapat na paglilingkod.
Tuwid na daan ang kanyang ipinangako noon at ngayon pero sa ating nakikita ay mukhang ang tuwid na daang ito ang magpapabagsak sa kanya dahil sa halip na sibakin o pagpahingahin muna niya ang kanyang mga tauhang kaibigan at kapartido ay siya pa ang kaagad na nag-aabswelto rito gayung hindi pa niya nga ito pinaiimbestigahan.
O0O
Santambak na ang humihiling ng resignation ni PNP boss Alan Purisima.
Nariyan ang panawagan nina Speaker Sonny Belmote, pinuno ng Kamara at dating senador Ping Lacson.
Maging si Senadora Grace Poe ay pinagpapahinga na rin si Purisima dahil matibay naman daw ang ebidensya laban dito.
Dito masusukat ang tibay ng mukha ni Purisima sa naturang isyu dahil kung talagang mahal niya ang PNP at si PNoy na kanyang amo ay agad na siyang magretiro dahil nagiging dahilan pa siya ng pagbagsak ng liderato ng pulisya at kredibilidad ng Pangulo. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment