IKINAGALAK ng bagitong solon ang utos ng Department of Justice (DoJ) sa telecommunications companies (Telcos) na ilagay sa average speed ang internet connections sa advertisement at promotions.
“Ito’y malaking panalo para sa consumers. Ngayon, alam na nila kung gaaano kabilis ang mararanasan nila mula sa kanilang Internet service providers,” ani Aquino, chairman, Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.
Sa imbestigasyon ng kanyang komite kaugnay sa mabagal at mahal na Internet connection sa bansa, hiniling ni Sen. Bam Aquino sa DoJ na maglabas ng malinaw na patakaran sa internet advertisements at promotions.
Tulad aniya ito ng ginawa ng ahensya sa budget promo fares ng airline companies ilang taon na ang nakalipas.
Reaksyon ito ng solon matapos tumanggap ng reklamo mula sa subscribers ukol sa mabagal na koneksyong malayo sa mga anunsyo at pangako na mabilis na internet ng telecommunications companies sa kanilang advertisement.
“Nakasaad sa flyers at iba pang advertisements ang bilis na 5 – 10 Mbps ngunit average speed lang ang nararanasan kapag naka-subscribe ka na,” wika ni Aquino.
Sa pagdinig, iginiit ni Aquino na mas maganda kung ilalagay ng telecommunication companies sa advertisement ang average speed na makukuha ng consumer sa loob ng 24-oras at hindi ang bilis na matitikman lang ng tatlo hanggang apat na oras.
“Matagal pa ang ating laban bago nating masabi na mission accomplished ngunit ang kautusan ng DoJ ay malaking sulong sa ating hangarin para sa mabilis at murang Internet,” aniya.
Maliban sa mas malinaw na Internet advertisements, isinusulong din ni Aquino ang amyenda sa batas para gawing basic service ang internet, upang mabigyan ang pamahalaan ng kontrol sa presyo at kalidad nito. LINDA BOHOL
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment