Monday, September 29, 2014

ANGAT SA IBA

ANG kolum na ito’y pagbibigay daan sa liham ng isang kapwa mamamahayag na humanga sa isang opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology na nagpakita ng kanyang pagpapahalaga sa mga taong nagkamali at nahiwalay sa lipunan.


Ayon sa nagpadala ng liham, naantig ang kanyang puso nang dumalaw siya sa Olongapo District Jail noong nakaraang buwan na nataong pagdiriwang ng ika-9 na taong Anibersaryo ng Female Dormitory o kulungan ng mga babae.


Talagang pinaghandaan ang okasyon sapagkat maayos ang paligid at mayroon munting programa para sa mga panauhin, tauhan ng BJMP at syempre mga babaeng preso.


Humanga siya sa talumpati ng jail warden na si Chief Insp. Rowena Mendoza Domingo na nagbigay ng inspirasyon sa mga nakapiit na kababaihan na nahaharap sa iba’t ibang kaso.


Sinabi ng babaeng opisyal na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga nakapiit at sa halip ay magsumikap ang mga ito na magbago.


Nakapagpalakas ng loob ang kanyang sinabi na hindi ang pagkakapiit ang pipigil sa mga preso upang mangarap muli at magbago sapagkat hindi pa iyon ang katapusan ng buhay, bagkus at isipin na panandalian lang ang kanilang pinagdaraanang problema kaya dapat may lakas na paghandaan ang darating na magandang bukas.


Naniniwala ang warden ng Female Dorm ng Olongapo District Jail na patuloy na pananalig sa Diyos na palaging nakikinig sa ating mga hiling at nakabantay sa atin araw-araw na pamumuhay ang magtuturo sa tamang daan na dapat tahakin upang muling makabangon at magtagumpay.


At dahil sa kanyang mensaheng pampalakas loob ay pawang muling dinaluyan ng pag-asa ang mga babaeng preso na noong una ay nawalan na ng pag-asa na malalampasan pa nila ang mga problemang kanilang pinagdaanan na at kinakaharap pa.


Kaya nga dasal ng mga panauhin sa nasabing okasyon ay dumami pa ang mga katulad ni Major Domingo ng BJMP upang ang mga naligaw ng landas ay muling mangarap at magbago. Angat talaga sa kapwa niya opisyal na babae itong si Domingo.


Ilang opisyal kasi ay walang ginagawa kung hindi pagkakitaan ang kanilang puwesto.

Sa National Capital Region umano ay may ipinatutupad na quota sa mga kulungan ang kanilang director kung kaya ang mga proyekto at programa ay nasasagasaan.

Halimbawa na ang pagkain ng mga preso.


Hindi ito nangyari sa panunungkulan ni Domingo sa Region 3 kaya nga maging ang mga tauhan niya sa kanyang nasasakupan ay ipinagmamalaki siya sapagkat hindi raw ito maramot sa kaalamam at sa halip ay tinutulungan sila upang umangat sa kanilang kinalalagyan.


Sa pagiging masaya kapag nakakaangat ang buhay ng iba makikita ang kagandahan ng kalooban ng isang tao. Ang iba kasi, ayaw masapawan kaya natutuwa kapag nagkakaproblema ang kanilang kapwa. PAKUROT/LEA BOTONES


.. Continue: Remate.ph (source)



ANGAT SA IBA


No comments:

Post a Comment