NAGLABAS na ng travel advisory ang pamunuan ng Philippine Consulate para sa kaligtasan ng mga kababayan o overseas Filipino workers (OFWs) sa harap ng patuloy ng tensyon bunsod ng kilos-protesta sa Hong Kong.
Ayon kay Philippine Consul General Bernardita Catalla, pinaalalahanan nito ang mga kababayan na iwasan munang tumungo sa mga lugar na may kilos-protesta upang hindi madamay sa kaguluhan.
Mapanganib magtungo sa mga lugar na may kilos-protesta ang mga Pinoy dahil maaaring mapagkamalan na nakikisali sa demonstrasyon at baka madampot pa ng mga awtoridad.
Sa Oktobre 1 at 2 ay holiday sa Hong Kong, kaya’t ayon kay Catalla kung nais ng mga kababayan na mamasyal ay iwasan ang mga lugar na may demonstrasyon sa halip ay maaring tumungo sa mga malls, parke o iba pang ligtas na lugar.
Nilinaw naman ni Catalla at ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pang Pinoy na nasaktan sa nangyayaring tensyon sa Hong Kong.
Tinatayang nasa 185,000 ang mga Pinoy sa Hong Kong at nasa 175,000 dito ay OFWs habang nasa 10,000 ang residente.
Nabatid na paralisado ngayon ang malaking bahagi ng Hong Kong bunsod nang lumalawak na pag-aaklas sa lungsod.
Maraming intersections sa central business district ang isinara dahil sa kilos-protesta.
Ayon sa Transportation Department, nasa 200 mga bus ang sinuspinde o na-divert dahil sa pag-aaklas.
Maging ang central section ng tren ay naparalisa habang isinara naman ang ilang exits ng underground train matapos barikadahan ng mga raliyista.
Isinara ang mga bangko, commercial establishments maging mga paaralan.
Nabatid na halos 40 ang sugatan matapos tinirgas ng riot police ang mga raliyesta kahapon na nananawagan ng kalayaan mula sa China.
Umaabot naman sa 78 katao ang naaresto ng mga otoridad.
Binalewala ng mga nag-aaklas ang panawagan ni Hong Kong Chief Executive C.Y. Leung na tigilan na ang demonstrasyon.
Samantala, binatikos naman ng China ang mga protesta sa Hong Kong.
Ayon sa tagapagsalita ng Hong Kong and Macau Affairs Office ng China, tutol ang Biejing sa umano’y illegal behavior ng mga nagra-rally sa lungsod.
Tiniyak ng Beijing ang suporta sa pagtugon ng Hong Kong sa krisis. JOHNNY ARASGA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment