PANAHON na para sibakin ng Malakanyang itong si Philippine National Police chief Director General Alan Purisima.
Hindi na kasi naaayon sa tuwid na daan ang pinaggagawa nito lalo na’t nabisto na ng taumbayan ang kanyang sangkatutak na pag-aari, na aabot sa daang milyong piso.
Kung inyong natatandaan, si Purisima ay pinagtanggol pa ni PNoy bago ito umalis patungong Europe at sinabi ng Pangulo na buo pa rin ang kanyang tiwala kay Purisima dahil isa itong ehemplo ng tunay na public servant.
Malinaw sa ipinakitang videos ng ABS-CBN ang kayamanan ni Purisima at ito’y pinatunayan matapos i-pokus ng camera ang marangang pahingahan ng heneral sa San Leonardo, Nueva Ecija na may swimming pool at makabagong poutry sa Cabanatuan City.
Maliban sa naturang mga pag-aari sa Nueva Ecija ay sinasabi rin ng Coalition of Filipino Consumers sa pangunguna ni Jaime Tagalog, na mayroon rin tatlo hanggang apat na pag-aaring magagarang condo itong si Purisima, na ayon kay PNoy ay matagal na niyang kakilala.
Dito ngayon muling masusubok ang desisyon ni PNoy dahil panahon na para ipakita niya sa madla na hindi niya kukunsintihin ang kanyang mga tauhan.
Malinaw kasi na kapag kalaban ni PNoy ay talagang kinakastigo ito agad samantalang kapag ito’y kanyang kakampi ay kaagad namang itong inaabswelto at iyan ang malinaw sa mga nakalipas na pangyayari.
Maging sa pagbibigay ng lisensya ng baril ay nasabit din ang pangalan ni Purisima dahil mayroon umano itong kinontrata para kumita sa naturang mga transaksyon.
Kaya’t tama lamang ang ginawa ni Senadora Grace Poe na ipatawag si Purisima sa Senado dahil kung hindi siya kayang sibakin ng kanyang among si PNoy ay malamang dito siya magisa dahil kilala namang dito magaling ang ating mga senador, na karamihan ay bihasa sa grandstanding. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment