Monday, September 29, 2014

MAGMAMAHAL LAHAT SA NAIA DAHIL SA PRIBATISASYON

HINDI lang mga industriya ng langis, kuryente, ospital at iba pa ang ipinahahawak ng gobyerno sa mga pribadong kumpanya.


Maging ang Ninoy Aquino International Airport ay isasapribado na rin, lalo na ang operation and maintenance nito.


Nang isapribado ang mga industriya ng langis at kuryente, sinabi ng gobyerno na magiging mura ang mga langis at kuryente. Gaya ng alam na ng lahat, kabaliktaran ang nangyari.


May mga public hospital namang isinasapribado na gaya ng Jose Fabella at National Orthopedic sa maigsing katawagan. Magmamamahal na rin ba nang todo ang singilin sa mga nanay na manganganak sa Fabella at sa mga biktima ng sakit at disgrasya sa buto sa Orthopedic?


Malamang na mangyayari gaya ng nangyari na sa mga industriya ng langis at kuryente.


NAIA SISIKIP


Ayon sa Japan International Cooperation Agency, magsimulang sisikip na nang husto ang NAIA sa eroplano at pasahero simula sa 2015.


Sa kasalukuyan kasi, sa pasahero lamang, hanggang 35-milyon katao lang bawat taon ang kaya ng NAIA na kargahin nang maayos ang kilos at kalagayan. Pero napansing biglang lumaki ang pasahero sa NAIA mula sa 31.88-milyon noong 2012 sa tinatayang 37.78M sa susunod na taon.


Lalong lolobo ang pasahero sa 101.49M ang NAIA sa 2014 o 25 taon mula ngayon.


Sinasabing ngayon pa lang kung ganoon ay dapat nang kumilos ang pamahalaan para magawan ng paraan ang problema sa pagsisikip ng pasahero at eroplano.


Kung totoo ang sinasabi ng JICA, maaaring magkakaproblema nga ang pangunahin nating paliparan.


BAKIT PRIBADO


Habang maaaring magkatotoo ang sinasabi ng JICA, ang isang katanungan ay kung kinakailangan na mga pribadong kumpanya ang hahawak ng operation and maintenance ng NAIA para maayos umanong masolusyunan ang problema.


Malinaw ang sinasabi ng gobyerno: hindi kaya ng gobyerno ang gumastos ng malaki para sa operation and maintenance at hindi sila sigurado na kung magpapatuloy sa kamay ng gobyerno ang operation and maintenance ay magiging maganda talaga ang takbo ng NAIA. Bopol ba ang mga nasa pamahalaan?


Anak ng pitong putakte, pwede bang pagtatanggalin na lang ang lahat diyan sa NAIA at ang mga taga-Department of Transportation and Communication na may mga katwirang ganyan?


SERBISYO MAGMAMAHAL


Mayroon namang nagsasabi na ang pribatisyon ng nasabing bahagi ng NAIA ay magdudulot lang ng pagmamahal ng serbisyo ng NAIA sa lahat. At magdudulot ito ng higit na sagabal sa magandang serbisyo ng NAIA, lalo na sa mga pasahero.


Halimbawa ang sinasabi ni Sen. Antonio Trillanes III na tiyak na magmamahal ang airport fees.


Kabilang sa mga airport fee ang terminal fee ng mga pasahero at eroplano. Maaaring magmamahal din ang pamasahe sa mga taxi at lahat ng pagdyinggel at pag-etsas ay magkakaroon na rin ng bayad. Ang mga naghahatid-sundo ng mga pasahero na mga pamilya ay maaaring magulat na rin kung sakaling may parking fee sa kanilang mga sasakyan.


Ganyan kasi, mga Bro, ang nagaganap sa mga establisimyento na hawak ng mga pribadong kompanya.


Lahat ng ito ay magiging sagabal sa pag-unlad ng buhay ng mga mamamayan.


Kabilang sa mga matatamaan ang milyong OFW at pamilya ng mga ito na laging nasa airport para makapaghanapbuhay para sa ating bansa. Kung iisipin natin, mas marami pa ring Pinoy ang gumagamit ng NAIA kaysa ang mga dayuhan at mismong ang mga Pinoy ang maghihirap sa pribatisasyon ng NAIA.


WALANG KASIGURUHAN


Batay sa karanasan sa operation and maintenance ng Metro Rail Transit, maaaring hindi matitiyak ang maayos na operasyon at maintenence ng NAIA.


Sa MRT, mga Bro, puro kapalpakan ang mga nagaganap.


Hindi na natin kailangang isa-isahin pa ang mga kapalpakan dito dahil buwisit na buwisit na ang mga pasahero sa masamang serbisyo ng MRT dahil sa palpak na pribadong operation ang maintenance.


Ang isang tanong: magiging MRT-style rin kaya ang magaganap kung ibigay na sa mga pribadong kumpanya ang nasabing bahagi ng NAIA?


Walang nakatitiyak. Pero lilikha ng problemang malaki tiyak ang pribatisasyon ng operation and maintenence.


Magsisikip at magsisikip ang NAIA simula sa 2015 dahil hindi pa naaayos ang ibang mga airport na maaaring makatulong sa airport congestion.


Mayroon nang mga airport na ipagagawa, palalakihin at pauunlarin ang mga pasilidad pero sa mga susunod pa lang na mga taon.


At hindi makahahabol sa pagluluwag ng NAIA.


Pero ang magiging malaking pagbabago kaagad ay ang pagmamahal ng lahat ng serbisyo rito na tiyak na magiging problema ng mga mamamayan.


HAWAKAN NG PAMAHALAAN


Hindi tayo naniniwala na walang kakayahan ang pamahalaan na hawakan ang lahat ng aspeto ng serbisyo ng NAIA.


Naniniwala tayong hindi nawawalan kundi sobra-sobra pa ang mga eksperto nating kababayan na kayang humawak ng operation and maintenance ng NAIA sa ilalim ng gobyerno.


Isa pa, nakatatakot isipin na kung hawakan ng mga pribadong kumpanya ang mahalagang bahaging ito ng NAIA, baka darating ang araw na kung gustong iparalisa ito ng mga pribadong kumpanya ay magagawa nila at wala nang magagawa ang gobyerno kundi manikluhod at magmakaawa, gaya ng nangyayari sa mga industriya ng langis, kuryente, MRT at iba pa.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



MAGMAMAHAL LAHAT SA NAIA DAHIL SA PRIBATISASYON


No comments:

Post a Comment