Friday, September 5, 2014

PERYAHAN NA PASUGALAN SA SUBIC FREEPORT

WALANG puwang ang peryahan sa isang ipinagmamalaking “world-class” na pasilidad tulad ng Subic Freeport.


Ito Ang Totoo: mahigit 5 taon nang nag-o-operate ang peryahan ng isang Ricky Quiroz sa may 5 ektaryang bahagi ng “Central Business District” ng Subic Freeport.


Bukod sa “eyesore” o panira sa magandang tanawin, nagiging gatasan din ng mga “corrupt” na kinauukulan ang naturang peryahan.


Ultimo mga operatiba ng PNP Region 3 mula sa Camp Olivas, Pampanga ay dumarayo pa sa Subic para kumolekta, minsan kunwari bayad daw sa “raffle ticket” o ‘di kaya’y tahasang lagay o tongpats.


Paano hindi magto-tongpats o lagay, nagpapalusot ang peryahan ni Quiroz ng iligal na pasugal na ultimo mga bata ay lantarang pinatataya.


Taon-taon, halos siyam na buwan nakatengga ang limang ektaryang lupain sa premyadong lugar ng Freeport at mga bandang Oktubre na binubuksan, gaya ngayon, Septiyembre na, gaya si Quiroz, unti-unti na namang pumoporma.


Ito Ang Totoo: panahon pa ni dating SBMA Administrator Armand Arreza nagsimula ang peryahan na nagiging balakid sa pagtatayo ng totohanang negosyo sa malaking 5 ektaryang espasyo.


Marami ang interasadong umupa sa lugar pero napakalakas ni Quiroz kaya mistulang kanya na ito sa maliit na halagang kapalit para sa kaban ng bayan at malamang, milyon-milyon naman para sa personal na bulsa ng ilan.


Hindi na dapat payagan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang peryahan ni Quiroz na may “night market” pa na sa pagiging salaula, umaalingasaw na kasi kahit saan na lang ang palikuran.


Sakaling makalusot pa rin sa SBMA Board dahil sa alam niyo na, dapat naman na bantayan ni SBMA Law Enforcement Dept. (LED) Head Gen. Orlando Maddela (PNP, ret.) ang mga tauhan niya na tulad ng mga tiwaling pulis Camp Olivas ay walang interes na manghuli ng iligal, kundi makinabang lang nang personal.


Darating din ang panahon na mabibisto ang mga konek ni Quiroz sa SBMA Board at sana mapanagot ang mga ito at mga kasabwat nito sa pamunuan ng ahensya. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/Vic V. Vizcocho, Jr.


.. Continue: Remate.ph (source)



PERYAHAN NA PASUGALAN SA SUBIC FREEPORT


No comments:

Post a Comment