SINUNGALING sina Senador Alan Peter Cayetano kapag ipinagpilitan nila na walang kinalaman sa 2016 election ang ginagawa nilang imbestigasyon sa Senado laban dito kay VP Jejomar Binay.
Ok ‘yun at tama lang na mag-imbestiga sina Cayetano sa mga opisyal ng bayan na sangkot at lulong sa katiwalian at korapsyon. Dapat lang ‘yun at saludo ako sa inyo.
Kaya lang sa rami at laki ng katiwalian na nangyayari ngayon sa rehimeng Aquino ay nakapagtataka lang kung bakit katiting at kaunti lang ang sinisilip ng dalawang senador kay VP Binay.
Bakit hindi muna nila unahin ang multi-bilyon na nawawala sa PDAF at DAP. Hindi pa inilalabas ang halos P100-bilyon na nawawalang pondo mula sa Malampaya Fund. Dahil ba kapwa sila benepisaryo ng panunuhol ni G. Benigno Aquino III?
Alam naman natin lahat na nag-aambisyong tumakbo itong si Alan sa 2016 bilang Pangulo. Hindi nila inililihim iyan sa publiko. Kaya lang, napakaaga pa ng kanilang pamumulitika. Mas marami ang dapat nilang harapin na dapat makinabang ang taumbayan!
Hindi masama ang mangarap. Ang pangarap nina Alan Cayetano ay normal. Kaya lang, mas masahol pa sila sa mga tradisyunal na politiko sa paraan ng kanilang pamumulitika. Mapanira, mapangwasak at walang mapakikinabangan ang mamamayan, lalo na ‘yung mga nagtiwala ng boto sa kanila.
Kumbaga, sobrang adik ang senador sa posisyon na gusto niya. Kung ganyan ang ugali niya ngayon, ano ang mapapala ng bansa sa ganyang uri ng liderato? Mas masama pa kaysa masamang pamumuno ngayon ni Pnoy!
Noon pa man ay marami na rin akong naririnig sa korapsyon sa Makati City ng mga Binay. Kaya lang, walang naglabas ng totoong isyu kundi ginamit din ito ng mga politikong kalaban ni VP Jojo Binay.
Sayang ‘yung mga dokumento noon sa University of Makati, Makati Hospital, Makati City Hall at ngayon, ang Makati Parking Building.
Maganda nga sana ang imbestigasyon batay sa pangarap nina Cayetano. Kitang-kita nga lang ang kulay-politika kaysa ilabas ang tunay na usapin ng katiwalian at korapsyon ng lokal ng pamahalan ng Makati.
Nakaaasar lang makita sina Cayetano’na akala mo’y mga napakagalang, napakaamo, napakabait pero sa totoo lang, kapwa sila walang kasinglupit sa kapwa tao.
Ipagtanong ninyo sila sa mga nakasama’t kaibigan nila.
Hoy, mangarap kayong nang gising, ang taas ng mga ambisyon ninyo, gumawa muna kayo ng maganda sa bayan!
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at mga komento, mag-text lang po sa 09087230036 o 09156588600. LILY’S FILES/Lily Reyes
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment