Sunday, September 7, 2014

Billy Crawford, arestado sa pagwawala sa presinto

PATUNG-PATONG na kaso ang kinakaharap ng TV Host-Actor na si Billy Crawford nang arestuhin ito sa loob mismo ng isang presinto dahil sa pagwawala at pagkabasag ng pintuang gawa sa salamin kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.


Nahaharap sa kasong malicious mischief, resisting arrest, direct assault at disobedience to person in authority si Crawford na kasalukuyang nasa kustodiya ng Taguig City police.


Ayon kay Insp. Jonathan Aride, hepe ng Precinct 7 ng Taguig City police, alas-4 ng madaling-araw nang dumating umano sa kanilang presinto si Crawford kasama ang isang hindi pa pinapangalanang babae.


Dumulog umano ang host/actor sa nasabing presinto upang humingi ng tulong ngunit nang sabihan umano siya ng mga pulis na naka-duty na ihahatid umano sila sa headquarters ay bigla na lamang itong nagwala.


Dala umano ng kalasingan, hindi umano maawat ang nasabing actor kung saan maging ang “sliding door” ng naturang presinto ay tila napagbalingan ni Crawford na nagresulta sa pagkakabasag nito.


Ayon pa kay Aride, tinangka umanong pigilan ng dalawang babaeng desk officer si Crawford ngunit hindi ito nagpapaawat kaya’t humingi sila ng responde sa kanilang mobile kung saan pinosasan at inaresto ng mga lalaking pulis ang nasabing actor.


Napag-alaman na nakainom si Crawford at may personal umano itong problema kaya’t nangyari ang insidente. Alas-9 kahapon ng umaga ay dinala ang naturang host/actor sa Camp Crame para sa alcohol test.


Napag-alaman naman sa manager ni Crawford na si Arnold Vegafria, hihintayin muna nila ang abogado ng naturang actor bago sila maglabas ng kanilang statement sa publiko.


Matatandaan na dumalo pa noong nakaraang Sabado ng gabi sa Star Magic Ball si Crawford kasama ang kanyang girlfriend na si Coleen Garcia bago naganap ang naturang insidente. Jay Reyes


.. Continue: Remate.ph (source)



Billy Crawford, arestado sa pagwawala sa presinto


No comments:

Post a Comment