HAWAK na ngayon ng pulisya ang apat na kalalakihan na suspek sa pang-aambush sa isang police major sa Quezon City nitong nakaraang Lunes ng umaga.
Sinabi ni QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) homicide unit chief Police Inspector Elmer Monsalve, ang mga suspect na sina Clemente Verzosa, Larry Consolacion, Joean Marco at Rodener Necesito ay naaresto sa magkakahiwalay na pagsalakay ng mga miyembro ng ‘Task Force Medrano’ sa Barangay Commonwealth, Q.C. na nagsimula nitong Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes ng madaling-araw.
Nakumpiska kay Verzosa ang isang cal. 45 pistol at isang hand grenade, habang nakuha naman kay Consolacion ng isang cal. 45 pistol. Isang cal. 45 pistol at isang M30 carbine naman ang nakumpiska kay Marco habang nakuha naman kay Necesito ng isang cal. 38 revolver at isa sa kanilang getaway vehicle na kulay puting Toyota FX na walang plaka.
Ayon kay Monsalve, isa sa apat na naarestong suspek ang posibleng gawin nilang state witness para mas tumibay pa ang ebidensya laban sa tatlong suspek. Hindi naman nabanggit ni Monsalve kung sino sa apat na suspek ang kukunin nilang testigo.
Hindi rin nabanggit ni Monsalve kung ang mga nahuling suspek ay mga hired killers na kanilang tinukoy na pumatay kay Chief Inspector Roderick Medrano, ang special operations chief ng QCPD station 4 nitong nakaraang alas-7 ng umaga sa Zabarte Rd. Novaliches, Q.C.
Isinasailalim na ngayon ang apat na suspek sa masusing intergosyon para mapilitang ituro ang mastermind o utak sa pagpatay kay Medrano.
Maaalalang tinambangan ng may apat hanggang limang mga hired killers si Medrano habang sakay ng kanyang kotse kasama ang kanyang mag-iina para ihatid ang dalawang anak sa eskwelahan. Robert Ticzon
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment