Monday, September 15, 2014

WEST PHIL SEA PINEPERA AT TRAVEL WARNING NG TSINA

DAPAT na pag-aralan nang husto ng mga awtoridad ang nagaganap na kidnapping for ransom, lalo na ang mga kasong mga Chinese ang biktima.


Kaugnay kasi ng mga kasong ito, nagbababala na ang bansang Tsina sa mga national nito na mag-ingat sa pagpunta-punta sa Pinas dahil bumabagsak na ang seguridad dito.


Ayon sa mga grupong Tsinoy na kinabibilangan nina Teresita Ang See, nakaaalarma na ang mga kidnapping for ransom na nagaganap sa kanilang hanay.


Lumalabas na mas marami ngayon, kumpara sa nakaraang taon, ang kinikidnap at pinatutubos na Tsinoy o Chinese at may mga pinapatay pa.


Lalong dumami ngayon ang mga kasong nabanggit dahil sa dalawang bagong kidnapping sa Caloocan at Zamboanga Sibugay na pawang mga Tsinoy ang biktima.


Ngunit kaugnay ng babala ng Tsina, lumalabas na lumalala talaga ang problema sa seguridad ng mga mamamayan, kasama na ang mga dayuhan, dahil sa paglabas ng sunod-sunod na kaso ng mga pulis bilang mga suspek o akusado sa kidnapping, carnapping, arbitrary detention at iba pa.


Pero mayroon lang tayong gustong pagtuunan ng pansin ng mga awtoridad sa gitna ng mga pangyayaring ito.


Isa na rito ang posibilidad na kaugnay ng halalang 2016 ang mga kidnapping for ransom.


Isa itong paraan ng pag-iipon ng pondo ng ilang politiko para gamitin sa nasabing halalan.


Pero magandang pag-aralan na rin kung may kaugnayan ng lahat ng mga kasong pagtira sa mga Chinese at Tsinoy ay bilang reaksyon sa tensyon na nagaganap sa pagitan ng PInas at Tsina sa West Philippine Sea.


Pinepera ng mga tarantado ang kanilang reaksyon sa iringan ng Pinas at Tsina.


Kumbaga sa piyesta, parekoy, marami ang nakaiisip ng pagkakaperahan.


Kahit ang mga nagsasabing patungo sa impiyerno ang mga nagpipiyesta, pinagkakaperahan pa rin ang mga ito sa pagtitinda ng mga kung ano-anong tsetseburetse para sa piyesta. BURDADO/JUN BRIONES


.. Continue: Remate.ph (source)



WEST PHIL SEA PINEPERA AT TRAVEL WARNING NG TSINA


No comments:

Post a Comment