Wednesday, September 3, 2014

RIDING-IN-TANDEM BUMABANGIS

TAMA si Manila Mayor Joseph Estrada sa plano nitong pagbabawal sa riding-in-tandem sa kanyang nasasakupan upang mabawasan ang kriminalidad.


Subalit dahil maraming bumatikos, kabilang na ang Volunteers Against Crime and Corruption, hindi natuloy ang planong pagbabawal nang magkaangkas sa isang motorsiklo.


Kaya naman ang mga tunay na kriminal na gamit ang motorsiklo sa kanilang trabahong pagpatay, panghoholdap, panghahablot at pagbebenta ng droga ay mas lalong lumakas ang loob na gawin ang kanilang pinagkakaperahan.


Pinakahuling biktima ng riding-in-tandem sina Sr. Insp. Roderick Medrano, ng Quezon City Police District-Novaliches Station, na in-ambush sa Zabarte Road, Novaliches, Quezon City at Barangay Chairman Rodrigo Cruz ng barangay 209 sa Maynila.


Hindi pa malinaw ang motibo sa pagpatay ng dalawang tauhan ng gobyerno, subalit naniniwala ang mga imbestigador ng kaso na ang pagiging hadlang sa iligal na gawain ng mga suspek ang dahilan sa pagpaslang sa kanila.


Hindi masamang ituloy ang pagbabawal ng riding-in-tandem sa Maynila at QC lalo’t nagiging sanhi ito ng patuloy na pagtaas ng kriminalidad at ang masakit ay pagpaslang sa mga opisyal ng pamahalaan.


Kaya nga dapat ituloy ni Manila Vice Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang kanyang planong konsultasyon sa mga mamamayan lalo na sa mga may-ari ng motorsiklo at miyembro ng grupong mahilig sa nasabing sasakyan.


Sa pag-uusap o konsultasyon, dapat kasama ang manufacturers o gumagawa ng mga motorsiklo tulad ng sabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Commissioner Ariel Inton upang maipaliwanag na ang nasabing sasakyan ay idinisenyo para sa isang tao lang at iyon ay ang driver.


Inaasahang sa pag-uusap ay masosolusyunan ang problema kung paano maisasaayos ang pagsakay sa motorsiklo at matigil na ang riding-in-tandem. Kapag nawala itong riding-in-tandem, hindi man tumigil ay tiyak na mababawasan ang kriminalidad.


Noong Sabado ng gabi, hanggang Linggo ng madaling-araw, gusto nang tumawag ng inyong lingkod kay Manila Police District Director Chief Supt. Rolando Asuncion para humingi ng responde dahil sa kawalan ng aksyon ng kanyang mga tauhan.


Inabot ng halos 45-minutos bago nakaresponde ang Sta. Ana Police kaya tapos na ang gulo nang dumating sila. Salamat nga pala kay SPO2 Rodolfo Ocampo, ng Dagonoy Police Community Precinct, sa kanyang pagresponde bagaman hindi nila nasasakupan ang nirespondehang lugar.


Sira raw ang telepono ng Sta. Ana Police kaya ring lang ito nang ring, ayon sa isang SPO4 Villa, naka-duty sa Office of the District Director sa Manila Police District headquarters. Hintayin na lang daw sa umaga at baka magagawa ang telepono.


Gusto kong sumigaw sa galit sa pulis dahil nasa peligro ang buhay ng dalawang tao ko sa Sta. Ana kaya humihingi ako ng tulong sa kanila tapos sasagutin ako ng “bukas na lang.”


Maging ang Block 2 ng Sta. Ana Police na nakasasakop sa lugar na may nanggugulo ay ring din lang nang ring ang telepono. Sira rin? Aba’y masisiraan ng ulo ang mga humihingi ng tulong sa inyo. Sira o masarap ang tulog ng naka-duty kaya’t ‘di sinasagot ang tawag?


Mabuti pa si Ocampo ng block 1 na bagama’t hindi kanilang lugar ay rumesponde upang makapagserbisyo at makatulong. Dapat sibakin na ang Station Commander ng Sta. Ana at Block 2 PCP kung inutil din lang ang mga tao n’yo. PAKUROT/Lea Botones


.. Continue: Remate.ph (source)



RIDING-IN-TANDEM BUMABANGIS


No comments:

Post a Comment