Wednesday, September 3, 2014

CONSUELO DE BOBO SA IMPEACH; SOTLOFF PINUGUTAN

MINASAKER ng House Committee on Justice ang tatlong kasong impeachment na inihain laban kay Pangulong Benigno Aquino III.


Nagkaroon ng botong 54 ang laban sa impeachment samantalang apat na boto lang ang nakuha ng pro-impeachment.


Walang sustansiya ang mga kaso, sabi ng mga anti-impeachment sabay paliwanag na hindi umano lumabag si Pangulong Noynoy sa batas sa impeachment na itinatadhana ng Konstitusyon.


Walang ginawa si PNoy na sadyang paglabag sa 1987 Konstitusyon o culpable violation of the Constitution at pagtataksil sa tiwala ng taumbayan o betrayal of public trust, sabi ng 54 na mambabatas.


Syempre pa, taliwas dito ang sinasabi ng apat na mambabatas at idiniin nilang may sad-yang paglabag sa Konstitusyon si PNoy at pinagtaksilan din nito ang tiwala ng taumbayan.


Kantiyaw ng mga anti-impeachment, ang 54 na boto ay patunay lang na ampaw ang mga paratang.


Hehehe. Nakalimutan yata ng mga ito ang paniniwalang “same feathers flock together.”


MGA BATAYAN SA IMPEACHMENT


Bago natin tuluyang himay-himayin ang labanan sa impeachment, mga Bro, magandang linawin muli natin ang mga batayan ng impeachment.


Heto. Culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, treason (pagtataksil sa bayan), panunuhol (bribery), graft and corruption (katiwalian) at iba pang karima-rimarim na krimen (other high crimes).


Eksklusibo ang mga pagkakasalang ito at anomang krimen na hindi kasali rito ay hindi magiging sapat na batayan para sa impeachment.


DAP AT EDCA


Hinugot ng mga pro-impeachment ang kanilang dahilan ng pagpapatalsik kay PNoy mula sa problema sa Disbursement Acceleration Program at Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng Amerika at Pinas.


Sabi nila, may sapat na basehan ang impeachment batay sa DAP na idineklarang partly unconstitutional ng Supreme Court sa botong 13-0.


Una, ginamit umano sa panunuhol sa mga kongresman at senador ang DAP para ma-impeach si dating SC Chief Justice Renato Corona at ginastos ang iba pang pondo ng DAP sa 116 na proyektong walang linaw kung saan napunta at kung may napuntahan naman, klaro naman umanong kinukulapulan ng katiwalian.


Itong EDCA naman ay binuo nang walang kinalaman ang taumbayan, lalo na ang Kongreso at partikular ang Senado.


Nangangailangan umano ng pag-apruba ng Senado sa EDCA bilang anyo ng tratado ngunit hindi ginawa ito at sa halip ay inihabol sa pagdating sa Pinas ni President Barack Obama para matuwa ito na handa ang Pinas na magbigay ng kailangan nitong mga base militar kahit saan sa bansa.


AMPAW NA, ‘DI PA PINAL


Bukod sa paggigiit ng mga anti-impeachment na ampaw ang mga demandang impeachment, wala pa umanong pinal na usapin sa DAP at EDCA para gawing batayan ng tiyak na demanda.


Pinakikinggan natin ang paliwanag ng mga anti-impeachment habang isinasagawa ang pagdinig sa komite.


Para sa kanila, may motion for reconsideration ang Palasyo sa DAP kaya wala pang pinal na desisyon dito.


Wala pa rin namang anomang desisyon ang SC ukol sa kasong EDCA na isinampa ng mga kontra rito at lalong walang sukatan kung may mali rito na posibleng batayan ng kasong impeachment.


Sa ibang salita, mga Bro, hindi pupwedeng akusahan si PNoy ng pagtataksil sa bayan.


DEAD-ON-THE-SPOT


Gaya ng alam na ng lahat, dead-on-the-spot ang impeachment.


Makaraan ang apat na oras na paliwanagan at wala nang anomang ekstensyon, ginilitan na ng leeg at binitay ng mga anti-impeachment ang nasabing demandang impeachment.


Binalewala na ng mga ito ang kahilingan ng mga pro-impeachment na palalimin at palawakin pa ang balitaktakan sa usapin.


Hindi na kailangang patagalin pa umano ang usapan dito dahil wala naman talaga umanong ano-mang sustansiya ang mga bintang bagama’t sa una ay idineklarang sapat sa porma ang demanda o sumbong.


Hindi nagawang magkikisay pa ang impeachment at inilibing kaagad.


STEVEN SOTLOFF PINUGUTAN NA RIN


Mahigit isang linggo lang makaraang pugutan ng Islamic State of Iraq and Syria si American journalist James Foley, pinugutan na rin nila si Steven Sotloff, isa ring Kanong journalist para sa Time Magazine.


Bilang ganti umano ito sa walang habas na pambobomba ng mga Kano sa kanilang mga pwersa at mamamayang kanilang nasasakupan sa Iraq sa kasalukuyan.


Naunang ipinarada si Sotloff ng ISIS sa harapan ni Foley na noo’y pupugutan pa lang at nagbabala ang ISIS na isusunod nila ang una kung hindi titigil ang mga Kano sa pambobomba sa kanila.


At dahil nagpatuloy nga ang mga Kano sa kanilang pambobomba, tinutuluyan na nga nila ito.


Isa namang British journalist ang umano’y isusunod nila kung itotodo naman ng bansang Britanya ang pagtulong sa Amerika sa pambobomba.


Kaiba ang naganap kay Peter Theo Curtis na pinalaya naman ng Nustra Front na alyado ng Al Qaeda sa Syria.


SALUDUHAN NATIN SILA


Patuloy, mga Bro, ang pagbubuwis ng buhay ng mga kapatid nating journalist para lang magkaroon ng balita ang mga mamamayan at mundo ukol sa mga nagaganap kahit saan.


Sinasaluduhan natin ang mga kapatid nating ito sa kanilang dedikasyon sa trabaho kahit nakapusta ang kanilang buhay.


Sa atin nga lang din sa Pinas, mayroon nang nasa 170 ang pinagpapaslang na mamamahayag simula nang manumbalik ang karapatan sa kalayaang noong 1986.


At patuloy ang pagbubuwis ng buhay ng ating mga kasamahan. Isa sa mga pinakahuli sa mga biktima si Nilo Baculo, Sr. ng dwIM Radyo Mindoro.


Hindi pinakinggan ng hukuman ang kanyang kahilingang proteksyon ng pamahalaan hanggang sa dumating na nga ang mga mamamatay-tao para lang ganap nang patigilin ito sa pagtalakay sa korapsyon at iba pang kriminalidad sa kanyang kapaligiran.


HALALANG 2016


Mayroon tayong pinangangambahan habang mabilis na dumarating ang halalang 2016.


Hindi lang siraan ng mga politiko ang nagaganap kundi nagpupumilit ang mga ito na ipabilanggo ang isa’t isa kaya mabangis ang labanang politikal.


Tiyak na malalagay sa gitna ng labanan ang mediamen at sa kanilang pag-uulat sa bayan, sila ang pagbabalingan at sisisihin ng mga politiko hanggang sa mauwi sa media killings ang lahat.


Sana naman, mali ang ating pangamba at sana tumino naman ang mga politiko at huwag nilang pag-initan ang mediamen sa kanilang kabaliwan sa politika.


o0o

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www. remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda


.. Continue: Remate.ph (source)



CONSUELO DE BOBO SA IMPEACH; SOTLOFF PINUGUTAN


No comments:

Post a Comment