DAHIL sa kaso ng isang sikat na karerista na pinapatay raw ng karelasyon ng kanyang asawa ay parang biglang lumutang na naman ang tungkol sa “killers for hire” raw.
Ang sabi ng mga nakahuntahan ko kamakailan lang, noon daw ay parang sa mga pelikula lang ‘yang tinatawag na killers for hire.
Kung napag-uusapan man sa totoong buhay ay sa bulong-bulungan lang at hindi tulad ngayon na para raw ordinaryo na ang mga killer for hire.
Kamakailan ay naiulat sa balita na may mag-asawa na binaril ng hindi kilalang kalalakihan, ipinakita pa sa pahayagan ang larawan ng mag-asawa na nakalugmok sa kanilang sasakyan, patay sa tama ng bala.
At may isang lalaki na nakaupo sa harap ng isang tindahan na binaril sa ulo.
Ang hinala ay may mga atraso ang mga ito kaya ipinapatay.
Hindi ba nga ay may isang sikat na negosyante sa Davao na pinapatay raw dahil may utang na hindi nabayaran, kung ano mang utang iyon?
Nakatatakot na sabi ng mga kausap ko, isipin na lang nababasa na sa diaryo kung magkano na ang magpapatay ng tao, kung paano isinasagawa ang mga karumal-dumal na krimen, kung anong sasakyan ang ginagamit ng mga killer, anong bari o kung anong oras isinasagawa.
Detalyado ang mga ulat sa diyaryo.
Ang kwento sa balita ay na-challenge raw ang mga pulis sa kaso ng karerista na pinapatay dahil nagbitiw ng salita ang ama nito na walang tiwala sa kapulisan.
Medyo nasaktan ang mga pulis, parang nainsulto at na-challenge kaya pinatunayan na madaling maso-solve ang kaso ng pagpatay sa sikat na karerista.
Pero kailangan pa ba na mainsulto ang kapulisan bago sila maging inspired para lutasin ang mga karumaldumal na krimen?
Lumalala ang mga kaso ng patayan sa bansa.
Parang ang mura na ng buhay, natatakot na ang ating mga kababayan.
Sabi nga ni Sec. Mar Roxas, hindi lang dapat magtrabaho ang mga pulis kundi dapat ay maging mas matalino pa sila kaysa sa mga kriminal.
Ano ang masasabi ninyo, mga kababayan ko?
Mag-email sa ariel.inton@gmail.com o mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/Atty. Ariel Enrile-Inton
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment