Thursday, September 4, 2014

ANO BA TALAGA ANG GUSTO NI PACQUIAO?

MUKHANG may pagka-swapang yata itong si Manny Pacquiao.


Halatang-halata kasi sa ikinikilos ng tinaguriang Pambansang Kamao ng bansa na gusto nitong pasukin ang lahat ng kanyang maibigan o magustuhan.


Kitang-kita rin ang gigil nito sa anomang bagay na hangarin nito kaya tiyak na may iba pa itong papasukang bisyo o pagkakaabalahan sa darating pang panahon.


Magmula sa pagiging boksingero, artista, politiko at negosyante ay pinasok na rin ni Pacman ang laro ng basketball na kung saan siya posibleng lumabas na katawa-tawa dahil sa height niyang 5’6” ay pinasok niya ang PBA bilang playing coach ng KIA Motors.


Sa daigdig nga ng pagseserbisyo publiko ay parang ginagawa na lamang niya itong laro dahil sa talaan ng Kamara ay si Pacquiao ang may pinakamaraming absent na kongresista magmula nang mahalal siya bilang kinatawan ng Sarangani.


Ngayon naman ay nagbabalak itong anak ni Mommy Dionisia na pumalaot bilang senador ni VP Jojo Binay gayong wala naman itong napatunayan bilang kinatawan ng naturang lalawigan sa Kongreso.


Maliban kasi sa kanyang pagiging Pambansang Kamao na naging world champion na rin sa iba’t ibang dibisyon ng boxing ay wala pa itong masasabing tatak ng magaling na public servant bagkus naging pangit pa nga itong ehemplo sa lahat matapos itong ipagsakdal ng BIR dahil sa hindi pagbabayad ng bilyong pisong buwis.


Dapat nang mag-isip ang mga Filipino sa ginagawang ito ni Pacman dahil sa halip na maging isa siyang tunay na lingkod bayan ay mistula niyang pinaglalaruan ang pamahalaan, lalo’t higit ang mga Pinoy na kumakalinga sa kanya sa kanyang mga laban.


o0o

Tama lamang ang sinabi ni Valenzuela City Rep. Win Gatchalian na hindi nararamdaman ng mga Filipino ang sinasabi ng NEDA na economic growth ng bansa.


Ito ang maliwanag pa sa sikat ng araw dahil nanatiling gutom at nagdarahop pa rin ang mga anakpawis sa iba’t ibang panig ng Pinas gayong ang mga mayayaman ay lalo pang nagkakamal ng salapi.


Ayon sa mambabatas, ang 6.4% economic growth na naitala ng NEDA para sa 2nd quarter ng taong ito ay mukhang hindi makatotohanan dahil nanatili pa rin uhaw at gutom ang taumbayan.


Hamon tuloy ni Gatchalian sa gobyernong Aquino na gumawa ng hakbang para maging makatotohanan ang sinasabing paglago ng ekonomiya at ito ay sa pamamagitan ng pagpapalago at pagpaangat sa estado ng buhay ng mga maralita sa bansa. ALINGAWNGAW/Alvin Feliciano


.. Continue: Remate.ph (source)



ANO BA TALAGA ANG GUSTO NI PACQUIAO?


No comments:

Post a Comment