SUMIGLA tayo nang makatanggap tayo ng mga balita na mayroon nang ginagawa ang pamahalaan laban sa pagpasok ng ebola virus disease sa ating mga pantalan.
Hindi na lang ang mga pasahero sa mga eroplano ang binabantayan kundi maging ang mga dumaraong na barko sa ating mga pier.
Simula’t simula pa lang ay iginigiit na natin ito, parekoy, dahil sa paglaganap ng ebola kahit saan at sa katunayan ay lumundag na sa anim na bansa ang sakit na ito sa Africa.
Bukod sa Liberia, Sierra Leone at Guinea, gumagapang na rin ang ebola sa Democratic Republic of Congo, Nigeria at Senegal.
At kabilang sa mga posibleng nagpapakalat ng ebola ang kontak ng mga taong may sakit sa mga seaman na nagde-deliver ng mga gamot, pagkain, damit at iba pang mga pangangailangan ng mga bansang sinasalakay ng sakit.
Kaya nga, nag-iistrikto na mismo ang mga bansang sinasalakay ng sakit.
Patakaran na nilang walang dapat na personal kontak sa pagitan ng mga seaman at mga kumukuha ng mga kalakal na galing sa mga barko.
Pinararaan na rin ang mga pumapasok sa barko na hindi seaman sa tatlong hakbang bago sila payagang makapasok.
Katakot-takot na harang o testing ang isinasagawa ng mga ito bago sila makapasok.
Heto pa, hindi na rin basta pinapupunta ang mga tinatawag na mercy ship na dumaong sa mga pantalan ng nasabing mga bansa.
Puno ng mga doktor, nars at iba pang medical professional, gamot, gamit laban sa sakit, laboratoryo at iba pang mga mercy ship.
Pero hindi pinangangahasang magmisyon sa mga may ebola na bansa sa ngayon sa pangambang maubos ang mga doktor at nars sa kamatayan dahil sa sakit.
Kaya lang, dapat na isipin ng mga kinauukulan ang maraming bagay ukol sa sakit na ito na pumatay na ng mahigit sa 1,500 sa West Africa.
Una rito ang kakayahan ng ating mga doktor at ospital na mag-quarantine at manggamot sa mga posibleng may dala ng sakit. Alalahaning gusto nang magdeklara ang gobyerno ng alert level 4 sa Liberia, Sierra Leone at Guinea.
Sa alert level 4, parekoy, sapilitang ililikas palayo at pauuwiin ang nasa 3,000-4000 overseas Filipino workers sa mga bansang ito, kabilang na ang 113 ng Philippine Contingent ng United Nations peacekeeping force sa Liberia.
O maghanda na tayo lahat, pati ang mga pamilya-OFW. BURDADO/Jun Briones
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment