PUMANAW na ang dating kalihim ng Department of Justice (DoJ) at dating kongresista ng Lone District ng Iloilo City na si Raul Gonzalez, Sr. sa edad na 83.
Kinumpirma ng anak nito na si Dr. Marigold Gonzalez ang pagpanaw ng kanilang ama kagabi, alas-10:30, sa National Kidney Institute.
Noong Biyernes pa lang umano ay lumabas na ang balita na pumanaw na ang dating kalihim ngunit kaagad naman itong nilinaw ng kanyang pamilya.
Ayon kay Dr. Pacita Gonzalez, noong Biyernes pa ay hindi na stable ang kondisyon ng mister sa National Kidney Institute at hiniling ang dasal ng mga Ilonggo.
Kanina, tumanggi muna si Mrs. Gonzalez na magbigay ng pahayag dahil masama pa ang pakiramdam nito at ang mga anak na lang muna nila ang magbibigay ng detalye sa pagpanaw ni secretary Gonzalez.
Nagpapasalamat ito sa 83 taon na ibinigay ng Panginoon sa kanilang ama na kanyang inilarawan bilang responsable at matapang na public servant.
Nakatakda namang i-anunsyo ng pamilya ang lamay at schedule sa libing ng kalihim.
Matatandaan na taong 2007 nang sumailalim sa kidney transplant si Gonzalez na ang driver nito ang kanyang naging donor.
Si Gonzalez ay nagsilbing DoJ secretary at presidential legal adviser noong panahon ng administrasyon ni dating pangulo Gloria Macapagal-Arroyo at naging kinatawan rin ng lone district ng lungsod ng Iloilo. Johnny Arasga
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment