Ni Mary Ann Santiago
Mistula umanong inamin na ni Senador Jinggoy Estrada ang akusasyon sa kanya hinggil sa pagbulsa ng pork barrel funds matapos ang kanyang exposé sa Senado hinggil sa panunuhol umano ng Malacañang ng karagdagang P50 milyon sa mga senador na boboto para tuluyang ma-impeach sa puwesto si dating Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona.
Ayon kay Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), hindi sapat ang ginawa ni Sen. Jinggoy sa “pagbato ng putik” sa kanyang mga kapwa mambabatas na para lamang makatakas sa ginawang mali at mistulang nagsabing ‘kami namang lahat ay gumagawa ng katiwalian.’
Giit ni Gariguez, dapat ay tinanggap na lamang ni Sen. Jinggoy ang kanyang kasalanan at pinagsisihan ito.
“Hindi sapat ‘yung batuhin mo, kulang ang ginawa ni Senador Estrada, para lang makatakas sa ginawang mali ay sasabihin mo lang na kaming lahat ay gumagawa. Ibig sabihin ba sa hindi mo pagtugon doon sa akusasyon sa iyo ay siguro sa aking pakahulugan doon ay tinatanggap mo na rin na talagang totoo ‘yung mga paratang sa iyo,” paliwanag ni Gariguez sa panayam ng Radio Veritas.
Naniniwala rin si Gariguez na sa ginawa ni Estrada ay lalo lamang bumaba ang moral integrity nito dahil hindi naman ito nakitaan ng remorse, pagsisisi at pag-amin.
Binigyan-diin pa ng pari na dahil sa kawalan ng remorse at pagkawala ng antas ng integridad ni Estrada ay hindi siya dapat tawaging “honorable” o “kagalang-galang”.
Aminado naman si Gariguez na nakakahiyang aminin na ang Pilipinas ay isang Katolikong bansa ngunit walang integridad at hindi matitino ang mga lider nito.
Nilinaw pa ni Gariguez na ang kawalan ng reparation o pagsisisi ang isang masamang katangian ng mga lider ng bansa kung saan ang isang requirement sa pagkamit ng hustisya ay pagpapatawad.
“Bahagi ng pagsisisi ay ang pagamin ng kasalanan at pagtuwid sa mali,” pahayag pa nito.
Iginiit pa nito na bahagi ng sakramento ng kumpisal ang pagamin sa kasalanan para mapatawad ng Panginoon.
“Bahagi ng sakramento ng kumpisal o pakikipagsundo ay aminin mo ang iyong kasalanan para patawarin ng Panginoon. Hindi ka rin repentant kapag hindi inamin ang ginawa mong kasalanan at ang ginagawa mo ay bumato nang bumato sa iba,” paliwanag pa nito.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment