Saturday, September 28, 2013

Cagayan vs Army, paplantsahin ngayon

Ni Marivic Awitan


Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)

2 p.m. Air Force vs Army

4 p.m. Smart vs Cagayan


Lalo pang mapatatag ang kapit sa top 2 spot bilang paghahanda sa nakatakda nilang pagtutuos sa pagtatapos ng quarterfinals ang kapwa hangad ng league leader Cagayan Province at defending champion Philippine Army sa dalawang magkahiwalay na laro ngayon ng Shakey’s V-League Season 10 second Open Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.



Unang sasabak ang Lady Troopers, kasalukuyang nasa ikalawang puwesto na hawak ang barahang 6-1, kontra sa kapwa military team na Philippine Air Foce sa ganap na alas-2:00 ng hapon.


Sasalang naman ang Lady Rising Suns, kung saan ay itataya nila ang malinis na 7-0 kartada, laban sa Smart sa ganap na alas-4:00 ng hapon.


Ayon kay Army coach Rico de Guzman, sisikapin nilang maibalik ang mas maayos na “cohesiveness at teamwork” ng koponan sa nalalabi nilang dalawang laban bago sumabak kontra sa Cagayan sa pagtatapos ng quarterfinals sa Oktubre 6.


“Medyo nagkakagulo pa rin sa play eh. Gusto ko sana maibalik ‘yung talagang laro namin sa defense, both sa blocking at sa floor,” pahayag ni De Guzman.


Sa panig naman ng Air Women, may tsansa pa silang makahabol para sa ikalawang puwesto papasok sa susunod na round kung mawawalis ang nalalabi nilang tatlong laro sa eliminations.


At para patuloy na buhayin ang inaasam na ito, kailangan nilang makabawi sa Lady Troopers matapos ang straight sets loss nang una silang magtagpo noong nakaraang eliminations.


Kailangan din nilang bumawi sa unang dalawang pagkabigo na nalasap sa kamay ng Smart at Cagayan sa pagsisimula ng quarterfinals.


Sa tampok na laro, ikawalong dikit na panalo naman ang target ng Lady Rising Suns sa muli nilang pagtatapat ng Lady Net Spikers na naghahabol naman para sa No. 2 spot mula sa kinalalagyan nila ngayong ikatlong puwesto na hawak ang 4-3 marka.


Galing sa 3-1 panalo kontra sa Philippine National Police noong nakaraang Biyernes, target ng Smart ang ikatlong sunod na panalo sa quarterfinals.


Para makasingit sa second spot, dapat din nilang mawalis ang nalalabing tatlong laro sa quarters, kabilang na ang laban ngayon sa Cagayan at ang susunod na laban sa Army sa Biyernes at sa Meralco sa Oktubre 6.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Cagayan vs Army, paplantsahin ngayon


No comments:

Post a Comment