Hindi basta na lamang makalilipat ang amateur, partikular ang mga miyembro ng pambansang koponan, tungo sa pagiging isang propesyunal base sa pag-uusapan at inihahandang kasunduan ng Philippine Sports Commission (PSC) at Games and Amusement Board (GAB).
Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na nakatakda itong makipagpulong kay GAB Chairman Juan Ramon Guanzon upang palawigin ang interes ng bansa at proteksiyon ang pambansang atleta hinggil sa paglipat mula sa pagiging amateur tungo sa pagiging propesyunal.
“Pag-uusapan namin kung paano poproteksiyunan ang mga amateur na basta na lamang aalis sa national team at lilipat sa pro na hindi muna iniisip kung ano ang kanilang babagsakan sa kanilang desisyon,” sinabi ni Garcia.
“Our concern here is all about our government’s assistance to the athletes. We are actually looking at the funds and the athlete’s future. Our government is spending a lot sa mga atleta dahil bibigyan mo ng allowance kada buwan, magte-training abroad tapos bigla na lang aalis without any notice,” giit ni Garcia.
Isa sa nais mapag-usapan ni Garcia ay ang pagbibigay ng lisensiya sa mga amateur tungo sa pagiging propesyunal.
Asam din ni Garcia sa kasunduan ang magiging polisiya sa pagitan ng PSC at GAB at ang pagpapatibay ng mga kautusan sa lehislasyon sa kongreso.
“Sana ipaalam muna sa amin ng GAB kung sino man iyong mga amateur na nasa national team na bigla na lamang aalis at lalaban para sa kanilang personal na hangarin,” saad ni Garcia.
“We want them to know that mayroon din na investment ang gobyerno sa mga amateur athletes,” sinabi pa nito.
Ipinaliwanag pa ni Garcia na kaya isinagawa ng ahensiya ang priority athlete program ay upang maging full time sa kanilang pagsasanay at ibuhos ng mga atleta ang kanilang commitment upang mapagsilbihan ang bansa na hindi nangyayari dahil sa pagtakas sa kanilang obligasyon sa pag-akyat sa propesyunal.
Ilan sa sports na apektado sa paglipat mula sa amateur tungo sa propesyunal ay ang boxing, wushu at wrestling.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment