Naikuwento sa akin ng aking amiga, na kaopisina ko rin, kung paano naiwala ng kanyang anak na lalaki ang pagmatrikula nito na kung ilang libong piso. Laking panghihinayang ng aking amiga sapagkat inutang pa iyon ng kanyang esposo sa opisina nito.
“Ano ang una ninyong ginawa?” Talagang gusto kong malaman kung paano nila naresolba ang kanilang problema. Aniya, kinagalitan niya ang kanyang binatilyo sa pagiging pabaya. At pagkatapos, nag-loan siya sa Pag-ibig. Ngunit ang pinakamatindi na pinagdaanan niya ay ang mga gabing hindi siya makatulog na halos ikabagsak ng kanyang kalusugan.
Dito ko naalala ang isang kuwento na nabasa ko: May isang grade school teacher ang nagtanong sa kanyang klase:
“Kapag nagkaproblema ka, ano ang madalas mong unang ginagawa?” At pagkatapos, nagbigay siya ng tatlong sagot na pagpipilian ng mga mag-aaral:
- Hanapan iyon ng solusyon sa sariling paraan.
- Humingi ng tulong sa isang malapit na kaibigan or kamaganak.
- Magdasal muna sa Diyos.
Apat lamang sa klase na binubuo ng 40 estudyante ang nagsabi na magdadasal muna sila. Karamihan sa kanila ang pumili ng number 1. Marami-rami ang pumili sa number 2. Kung tutuusin, ang numbers 1 at 2 ang karaniwang itutugon sa harap ng matinding problema.
Isinulat ni Santiago: “Magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng pagsubok sapagkat alam ninyong lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya. Ngunit kung kulang ang karunungan ang sino man sa inyo, humingi siya sa Diyos at siya ay bibigyan.” Sa totoo lang, madalas na hindi ang panalangin ang una nating tugon sa ating mga problema. Sinisikap nating hanapan iyon ng solusyon, sa sarili nating karunungan or salapi or humihingi tayo ng tulong sa ating mga kaibigan at kamaganak.
At kung walang mangyari, saka pa lang tayo mananalangin. Sa pananalangin, magkakaroon tayo ng bagong liwanag upang
magkaroon ng kalutasan ang ating mga suliranin. Magdasal muna, hindi saka na magdasal.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment