Libu-libong kalahok ang inaasahang dadagsa upang makiisa sa “One Run, One Philippines,” ang pinakamalaking advocacy run ng ABS-CBN na sabayang gaganapin sa limang lungsod sa Pilipinas at Estados Unidos ngayong Oktubre 6 kasabay ng ika-60 anibersaryo nila sa telebisyon.
Nagsanib-pwersa ang Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig (KBPIP) ng ABS-CBN Foundation, Regional Network Group (RNG) at The Filipino Channel (TFC) para isakatuparan ang “One Run, One Philippines” na isasagawa sa Quezon City, Cebu City, Bacolod City, Davao City, at Los Angeles (USA) upang ipanawagan ang pagprotekta sa kalikasan at itaguyod ang iba’t ibang proyekto.
“Hinihimok namin ang lahat ng lalahok na magdala ng kanya-kanyang lalagyan ng inumin dahil hindi kami maglalaan ng disposable cups sa mga ipupuwestong water station sa takbuhan para na rin mas mapangalagaan ang paligid at maiwasan ang pagdami ng basura,” sinabi ni ABS-CBN Foundation managing director Gina Lopez sa isang presscon na ginanap sa Torre Venezia Suites.
Gaganapin ang Quezon City leg o ang ikalimang “Run for the Pasig River” sa Quezon Memorial Circle (QMC) sa gun start sa ganap na alas-6:00 ng umaga para sa mga kategoryang 3K at 5K.
Ang starting line nito ay sa Technohub overpass na tutuloy sa Commonwealth Avenue at diretso sa QMC para sa finish line.
Bilang paghahanda dito ay isasara sa ganap na alas-2:00 ng umaga ang mga kalyeng gagamitin ng mga kalahok sa araw ng event. Mananatiling bukas naman sa trapiko ang dalawang pinakagilid at magkabilang lanes ng Commonwealth Avenue. Dahil sa inaasahang pagdagsa ng tao ay tiyak din ang matinding trapiko kaya naman inaabisuhan ang mga motorist na gumamit na lamang ng alternate routes.
Ihahanda rin ang mga parking zones para sa mga kalahok na may sariling sasakyan sa Philcoa, Department of Agrarian Reform, Department of Agriculture, Department of Environmental and Natural Resources, Sugar Regulatory Commission, Trinoma, Wildlife, Quezon City Hall, National Housing Authority, gilid ng kalsada ng University Avenue, Visayas Avenue, North Avenue, Quezon Avenue, East Avenue at Kalayaan Avenue.
Samantala, sabay-sabay namang magsisimula ang takbuhan sa Cebu, Davao at Bacolod sa ganap na alas-4:30 ng umaga para sa kategoryang 21K at susundan ito ng 5K at 10K sa ganap na alas-5:30 ng umaga. Ang starting line ng mga ito ay sa SM City Cebu, Abreeza Mall of Davao at Provincial Capital Lagoon.
Uumpisahan naman sa ganap na alas-7:30 ng umaga sa Burbank, California ang Los Angeles leg na may kategoryang 1K Kiddie Run, 5K at 10K.
Ang iba pang mga beneficiary ng pagtakbo ay ang coastal conservation sa Daan Paz sa Cebu; ang ecotourism projects sa Marilog Tourist Center sa Davao; pagtulong sa mangrove at livelihood projects sa Punta Taytay, Sum-ag River rehabilitation, at iba pang ecotourism projects sa Bacolod City Water District Campuestuhan Watershed; at ang Green Initiative ng Bantay Kalikasan.
Pangungunahan ng Kapamilya stars na sina Anne Curtis, Kim Atienza, Kim Chiu, Karylle at model-blogger na si Erwann Heusaff ang “Run for the Pasig River” na muling kakalap ng pondo para sa rehabilitasyon ng Pasig River at mga sanga nito.
Makikibahagi rin sina Paulo Avelino, Jayson Abalos (Cebu leg); Maja Salvador, Aaron Villaflor, Bryan Termulo (Davao City); Joem Bascon, Paul Jake Castillo, Bangs Garcia; at Jake Cuenca (Los Angeles) sa malawakang takbuhan sa iba’t ibang lungsod na susuporta sa iba’t ibang proyektong pangkalikasan.
Nakapag-organisa na ng apat na matagumpay na “Run for the Pasig River” ang KBPIP at nakalikom ng halagang P25.94 milyon. Mula dito ay naumpisahan ang panimulang rehabilitasyon ng Estero de Paco noong 2009.
Ang makasaysayang “10.10.10 Run for the Pasig River” naman ang nagpondo sa ikalawang bahagi nito. Nagtamo rin ito ng Guinness World Record para sa “most number of participants in a running event” matapos itong makapagtala ng 116,087 na kalahok.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment