Nakauna ang defending champion Olivarez College, gayundin ang Philippine School of Business Administration, sa kanilang mga katunggali sa pagsisimula ng best-of-3 semifinals series ng 12th Universities and Colleges Athletic Association (UCAA) men’s basketball tournament.
Nagposte ng tig-14 puntos sina Mark Guillen at Franklin Mancio upang pamunuan ang Sea Lions sa 88-60 pagdurog sa La Salle-Dasmarinas Patriots sa kanilang homecourt sa Olivarez College gymnasium sa Sucat, Paranaque.
Nagliyab naman ang mga kamay ni Aries Dionisio at umiskor ng 37 puntos para sa Jaguars upang padapain nila ang Rizal Technological University Blue Thunders, 97-87.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Sea Lions at Jaguars upang maitakda ang paghaharap nila sa kampeonato sa ligang suportado ng Mikasa at Molten Balls.
Sinimulan ng Sea Lions ang paglayo sa huling dalawang minuto ng ikalawang quarter matapos ang isang layup at three-point play ni Eldridge Corpus kung saan ay naitala nila ang 36-26 bentahe na napalobo nila sa 13, 44-31, sa halftime break.
“We had a good start and a good running game. Our shooters’ outside snipings were also good,” pahayag ni Sea Lions coach Mike Saguiguit. Sa isa pang semis pairings, nagawa pang lumapit ng Blue Thunders, 80-83, may 3:54 pang nalalabi ngunit agad ding nakabawi ang Jaguars at muling lumayo, 87-80, kasunod ng dalawang free throws ni Jay Tamayo at isang basket ni Dionisio.
“I’m happy. The boys got lucky in this game. Our game plan worked well from start to finish,” pahayag ni Jaguars coach Philip Cezar. – Marivic Awitan
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment