Sunday, September 29, 2013

Transport protest caravan, ngayong Lunes

Isasagawa ngayong Lunes ang transport protest caravan ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) sa Metro Manila kaugnay ng kontrobersiyal na pork barrel scam.


Sinabi ni George San Mateo, national president ng PISTON, na pinaigting ng pork barrel scam ang galit ng mga tsuper at mga mamamayan na matagal na umanong hinoholdap ng gobyerno.



Aniya, ginagawang gatasan ng gobyerno ang mamamayan sa loob ng tatlong taon; mula sa walang tigil na overpricing ng langis na may patong na 12 porsiyentong VAT at iba pang matataas at pahirap na buwis, multa at bayarin.


Dahil dito, aniya, aarangkada ang panimulang lundo ng Pambansang Koordinasyong Kilos Protesta ng mga driver sa Metro Manila at ilang lalawigan upang iparinig ang boses ng sektor ng transportasyon laban sa pork barrel scam.


Sa Metro Manila, magsasagawa ng transport protest caravan na lalahukan ng mga driver ng jeepney at UV Express dala ang kani-kanilang sasakyan.


Sisimulan ang caravan sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa East Avenue, Quezon City, at didiretso sa Mendiola.


Ganap na 8:00 ng umaga magsisimulang magtipun-tipon ang grupo at magtatapos ang caravan sa Mendiola sa ganap na 1:00 ng hapon.


May kaparehong transport caravan din sa Southern Tagalog Region; mula sa Arko ng San Pedro, Laguna, tutungo sa Crossing Calamba at sa LTO-Calamba.


May protest caravan din sa Albay, Iloilo City at Panay, ayon sa PISTON. – Jun Fabon


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Transport protest caravan, ngayong Lunes


No comments:

Post a Comment