Ni Robert R. Requintina
HINDI matapus-tapos ang pagbubunyi ng mga Pinoy sa makasaysayang pagkakapanalo ni Megan Lynne Young bilang unang Miss World ng bansa, ngunit matatagalan pa bago muling makapiling ng mga Pilipino ang pinakabagong beauty queen ng bansa.
Matapos mapanalunan ang korona — na 62 taong inasam ng Pilipinas — sa Bali, Indonesia noong Sabado ng gabi, bibiyahe si Megan patungong London para sa pagsisimula ng kanyang reign.
“Didiretso kami sa London. May mga activities pa kami na gagawin doon. May mga charity events pa. After that, saka pa lamang ako babalik ng Pilipinas. Hopefully, makakasama ko ang ating mga kababayan sa aking homecoming,” sabi ni Megan, 23, sa eksklusibong panayam sa GMA News TV kahapon ng tanghali.
Umaasa si Megan, tubong Olongapo City, na bibisitahin siya ng kanyang pamilya at mga kaibigan sa London. Nais din niyang makaharap ang mga lokal na opisyal ng London habang naroon siya. “Pangarap ko na ma-meet ang mga presidente ng mga bansa na pupuntahan ko.”
Nagpasalamat din si Megan sa mga Pilipino na walang maliw na sumuporta sa kanya.
“Masaya ang aking pakiramdam at naging inspirasyon ako sa ibang Pilipino. It’s an honor that people look up to me now. After all the tragedies and issues that we are having in the Philippines, now there is hope for us to rise above these problems for a better life,” sabi ni Megan.
Sa pre-pageant activities, naglaban-laban ang 127 kandidata, nagpaligsahan sa anim na challenge events na ang mananalo ay agaran nang pasok sa semis. Napanalunan ni Megan ang Top Model Challenge, siya ang unang Pilipina na nanalo sa challenge events ng Miss World. Bagamat dismayado siya na hindi niya napanalunan ang Sports Challenge Competition.
“Nag-effort talaga ako sa sports challenge. That’s why I did push ups, and I hit the gym. Pero kahit hindi ako nakasama doon, nag-enjoy naman talaga ako,” ani Megan.
Sinabi pa ni Megan na wala siyang signature walk, gaya ng mga una nang nanalong Pinay beauty queen.
“It’s really different here in Miss World. With Miss World, it’s not about the walk, it’s not about how you walk. Of course, you have to carry yourself well, but Miss World is all about being a person.”
Ikinuwento rin niya ang mga sandali nang isa-isa nang tinatawag ang mga nanalo. “Noong tinawag ‘yung first runner-up and second runner-up, medyo kinabahan na ako du’n. Hinanda ko na kasi ang sarili ko na kung hindi matatawag ang pangalan ko, okay lang. Malayo na rin kasi ang narating ko. Pero nu’ng tinawag ako, nagulat ako at gusto ko nang umiyak. But I really cried. And I just want to hug my mom who is in the audience. I want to hug her, and kiss her. I also want to hug my brother and sister,” ani Megan.
Agad na bumati kay Megan si Cory Quirino, ang exclusive licensee at national director ng Miss World Philippines at Mister World Philippines.
Agad din na nagpaabot ng pagbati si Vice President Jejomar Binay at ang Malacañang kay Megan. “We congratulate Megan Young for winning Miss World,” sinabi ni Presidential Communications Development Secretary Ramon Carandang sa panayam sa radyo. “This is another Filipino who has gone out there in the world and showed the rest of the world what we can do as Filipinos and another reason for us to be proud,” ani Carandang.
Bumati rin ang mga celebrity sa pamamagitan ng social media, kabilang sina Anne Curtis, Ogie Alcasid, Ritz Azul at ang dating Miss World Second Princess na si Ruffa Gutierrez.
Sa Instagram naman binati ni Lauren Young ang kanyang ate. Aniya, “Tears of joy for my sister, Megan. I’m so happy for all your achievements.”
Sinabi ni Lauren na tinulungan siya ng kanyang ate upang makapag-aral. “Before, now I send myself to school.”
Siyempre, bumati rin kay Megan ang napapabalitang nobyo niya, ang actor-model na si Mikael Daez. “I’m happy for her but most especially I’m happy for the Philippines. You deserve it!” Umaasa si Mikael na mabibisita niya si Megan sa London.
Nang tanungin kung may boyfriend siya, sinabi ni Megan, “Wala akong boyfriend now. Ang boyfriend ko is ang Miss World Organization.”
Ito ang ikalawang titulo na nasungkit ng Pilipinas sa malakihang beauty pageant ngayong taon. Napanalunan kamakailan ni Mutya Johanna Datul ang korona ng 2013 Miss Supranational sa Minsk, Belarus.
May ulat ni Genalyn D. Kabiling
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment