Monday, September 30, 2013

AVESCO-Philippine team, overall champ

Binitbit nina Mark Anthony Castaneda at Jamyla Lambunao ang Team Philippines tungo sa overall crown sa 1st Hong Kong Open Memory Championship na isinagawa sa True Light Girls College sa Kowloon, Hong Kong.


Si Castaneda, unang Pilipino na naabot ang Grandmaster of Memory (GMM) status sa nauusong mind sport, ang nanguna sa Adult division habang si Lambunao, Grade 7 student sa St. Scholastica’s Academy Marikina, ang nag-uwi ng titulo sa Kids division.



Una munang naiwan sa ikatlong puwesto si Castaneda matapos ang limang event noong Sabado bago ito umatake noong Linggo para tumapos na may 5,239 puntos at ungusan ang dating lider at kababayan nito na si GMM Erwin Balines na nagkasya lamang sa 5,212 puntos.


Isa pang Pilipino na si Johann Randall Abrina ang nasa ikapito noong Sabado bago umangat sa ikatlong puwesto sa pagtatapos ng torneo sa natipong 4,747 puntos.


Dinomina naman ng 12-anyos na si Lambunao ang Kids division na kung matatandaan ay pumangalawa noong 2012 sa World Memory Championship sa London.


Ang Team Philippines, sinuportahan ng AVESCO, ay nagtipon ng kabuuang 15,198 puntos upang tanghalin ding overall team champion kung saan ay kinubra nila ang premyong HK$10,000.


Ang Mongolia, namayagpag sa Juniors division, ay tumapos na second overall sa naitalang 14,369 kasunod ang host Hong Kong (10,601).


“The competition here was very tough, especially the Mongolians who sent a strong team,” sinabi ni Roberto Racasa, coach at head ng delegation ng AVESCO-Philippine team. “Now we are going to prepare for the World Memory Championship in London in November.”


Ang iba pang miyembro ng AVESCO-Philippine team na inorganisa ng Philippine Mind Sports Association, ay si Kian Christopher Aquino, Abbygale Monderin, Bryan Robert Yee, Anne Bernadette Bonita, Axylancy Cowan Tabernilla, Ydda Graceille Mae Habab at Rhojani Joy Nasiad.


Tumulong din sa koponan ang Dreamhauz Management & Development Corporation, Mandaluyong Mayor Benhur Abalos at Senator Sonny Angara.


Ang Hong Kong Open Memory Championship ay sanctioned ng World Memory Sports Council at binuo ng Hong Kong Memory Sports Council. Sinusunod nila ang WMSC standard of competition na binubuo ng Names and Faces (5 minutes), Binary Numbers (5 minutes), Random Numbers (15 minutes), Abstract Images (15 minutes), Speed Numbers (5 minutes), Historic/Future Dates (5 minutes), Playing Cards (10 minutes), Random Words (5 minutes), Spoken Numbers (100 seconds & 300 seconds) at Speed Cards.


Kasali din sa torneo ang memory athletes mula sa Canada, Vietnam, Singapore, Malaysia, Indonesia, China, India at Japan. – Angie Oredo


.. Continue: Balita.net.ph (source)



AVESCO-Philippine team, overall champ


No comments:

Post a Comment