Monday, September 30, 2013

Zambo crisis, nag-iwan ng mas malalim na sugat

Ni Camcer Ordoñez Imam


Maaaring tapos na nga ang krisis sa Zamboanga City at unti-unti nang natutuldukan ang paglalaban ng militar at Moro National Liberation Front (MNLF), ngunit isang mas malalim na laban ang nakaamba. Ito ay sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim na payapang namumuhay nang magkasama bago ang Martial Law era.



Taong 1974 nang maging sentro ng paglalaban ang Zamboanga City, dahil sa pagiging malapit nito sa Sulu, Basilan at Tawi-Tawi, na mga lalawigang maraming Muslim at nang mga panahong iyon ay matinding naapektuhan sa pakikipaglaban ng MNLF sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos.


Ilang taon makaraang bawiin ang Martial Law, nagsikap ang Zamboanga City na matamo ang kapayapaan. Sa kabila ng pagsisikap ng iba’t ibang grupong relihiyoso at mga non-religious organization para sa diyalogo, ang hinahangad na kapayapaan sa Zamboanga City ay ilang beses na ginambala ng mga armadong paglalaban na pakana ng mga pulitiko mula sa mga kalapit na lalawigan laban sa mga karibal nila sa pulitika.


Zamboanga City ang naging lugar ng negosyo, edukasyon, pagbabangko at aliwan para sa mamamayan ng Sulu, Basilan at Tawi-Tawi. Ngunit sa kasamaang palad, kasabay ng pamumuhunan sa Zamboanga City, dinala rin sa lungsod ang maliliit na labanan.


Hanggang minana na ng Zamboanga City ang magkakaibang kultura, pagkakaiba-iba at malalim na galit.


Iba’t ibang organisasyon ang nagsikap na mapaghilom ang namumuong labanan ng mga Muslim at Kristiyano, kasama na ang Silsillah Dialogue Movement ng paring Italyano na si Fr. Sebastiano D’Ambra, na nagtatag ng komunidad na Harmony Village sa Barangay Sinunuc.


At isang malaking banta ngayon sa mga pinagsikapan ng Harmony Village ang natapos na paglalaban ng militar at MNLF.


Para sa maraming taga-Zamboanga City, higit pa sa pagkakaunawaan ng relihiyon at kultura ay respeto sa isa’t isa ang nagbunsod ng payapang pamumuhay ng mga Muslim at Kristiyano sa lungsod—pero kuwestiyonable ito ngayon dahil sa katatapos na krisis.


Ayon kay Joanne Carlos, na mula sa pamilyang Muslim-Kristiyano ngunit may relihiyong Islam, nang lumikas sila sa simula nang labanan noong Setyembre 9 ay nahirapan ang kanyang pamilya na kumuha ng mauupahan, dahil ipinagtatabuyan sila sa mga komunidad ng Kristiyano kapag nalamang Muslim sila.


Kaugnay nito, inamin ni Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman sa isang panayam sa telebisyon na tunay na nanganganib ang ugnayang Muslim-Kristiyano dahil sa nangyaring krisis.


“Nabuksan muli ang nailibing na—takot, biases—at nagkaroon ng panibago, dahil iba-iba rin ang naging biktima, nambiktima na galing sa iba’t ibang grupo,” sabi ni Soliman. “’Yun ‘yung mas malaking rehabilitation na nakikita ko’ng kailangang maisagawa.”


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Zambo crisis, nag-iwan ng mas malalim na sugat


No comments:

Post a Comment