Ni Marivic Awitan
Kung mayroon mang isang tao na malaki ang pananampalataya na makakayang magkampeon ngayong taon ng University of Santo Tomas sa ginaganap na UAAP Season 76 men’s basketball tournament, ito’y walang iba kundi ang dating head coach ng Tigers na si Aric del Rosario.
Nagpahayag ang ngayo’y head coach ng University of Perpetual Help Altas sa NCAA ng kanyang paniniwala na kaya ng Tigers, sa ilalim ng kasalukuyan nitong coach na si Pido Jarencio, ang muling bigyan ang UST ng panibagong men’s basketball title.
“Kaya! Maganda kasi `yung (pag-handle) ni Pido sa mga player,” pahayag ni Del Rosario na nagbigay pa ng payo na kailangan ng Tigers na panatilihin ang kanilang matinding depensa na siyang naging dahilan upang maunsiyami ang top seed National University na makapasok sa kampeonato.
“Sinasabi ko sa nga sa kanila na hindi ka dirty player, pero kailangan ng konting pisikal, konting gulang, konting siko. Pero ‘wag ka mananakit,” ayon pa kay Del Rosario.
Sariwa pa sa isipan ni Del Rosario ang huling pagtatapat ng UST at ng La Salle sa UAAP finals noong 1999 kung saan siya pa noon ang mentor ng Tigers.
Kasunod ito ng apat na sunod na kampeonato ng Tigers, kabilang na ang makasaysayang sweep noong 1993, kung saan ay sinundan ito ng tatlong sunod na paggapi nila sa Green Archers sa finals mula 1994 hanggang 1996.
Nakauna pa noon ang Tigers sa Game One ng kanilang best-of-3 series sa pamamagitan ng game winning basket ni point guard Angelo Velasco.
Ngunit ang asam na makaapat na sunod kontra sa La Salle ay hindi natupad dahil winalis ng La Salle, sa pangunguna nina Don Allado at Dino Aldeguer, ang sumunod na dalawang laro.
Ngayon, makalipas ng labing-apat na taon, malaki ang pananalig ni Del Rosario na makakayang bumawi ng Tigers.
“Iba na ang nilalaro ng UST ngayon. Kaya siguradong mag-iisip pa rin iyan (La Salle) at mauungkat ‘yung nakaraan,” pagtatapos ni Del Rosario. – Marivic Awitan
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment