Ni Marivic Awitan
Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)
4 p.m. Perpetual Help vs Lyceum
6 p.m. San Sebastian vs San Beda
Mapagtibay pa ang kinaluluklukang posisyon sa liderato ang ipaglalaban ng defending champion San Beda College kontra sa San Sebastian College sa kanilang pagtutuos ngayon sa 89th NCAA men’s basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.
Puprotektahan ng Red Lions sa ngayon ang kanilang magarang pundasyon habang hangad naman ng Stags na mas tumatag sila sa ikaapat na puwesto lalo pa at unti-unti na silang kinakabog sa pumapanglimang Emilio Aguinaldo College Generals sa kanilang muling pagtatapat ngayong alas-6:00 ng gabi.
Una rito, magtutuos muna sa pambungad na laro ang pumapangatlong University of Perpetual Help System Dalta at ang guest squad Lyceum of the Philippines University sa ganap na alas- 4:00 ng hapon.
Hawak ng Red Lions ang barahang 12-2 at nais pa nilang mas mapalaki ang agwat sa bumubuntot na Letran College Knights na taglay ang barahang 11-3.
May bitbit na 8-5 marka, napakahalaga para sa Stags ang panalo upang magkaroon sila nang mas malaking pagitan sa Generals na may kartadang 7-7.
Gaya ng kanilang naitalang malaking panalo laban sa Altas noong nakaraan nilang laro, muling sasandigan ng Red Lions ang depensa at teamwork para muling makaulit sa Stags na nauna na nilang tinalo sa first round, 83-64.
Sa kabilang dako, umaasa naman si Stags coach Topex Robinson na makababalik na sa laro ang kanyang key players na hindi nila nakasama sa mga nakaraan nilang laban dahil sa pagkakasakit at suspensiyon.
Sa huling panalo nila kontra Pirates, nawala sa aksiyon sina Jamil Ortuoste, Leo de Vera at Bradwyn Guinto kaya naman halos mag-isang binalikat ni CJ Perez ang laban para sa koponan.
Kapwa nagkaroon ng sakit sina Ortuoste at Guinto habang suspendido naman ng isang laro si De Vera.
Sa tatlo, dudang makababalik agad at siguradong magiging malaking kawalan sa kanila si Guinto upang tapatan ang naglalakihang Red Lions dahil hindi biro ang dinanas nito sa pagkaka-ospital ng mahigit isang linggo sanhi ng tumamang typhoid fever at dengue.
“I just hope that they will continue to step up on their game. We badly need the win to keep the No. 4 spot,” pahayag ni Robinson na tinutukoy ang iba pa niyang mga player.
Bago ito, tatangkain namang bumawi ng Altas at bumalik sa winning track, kasunod ng kanilang 76-78 overtime na kabiguan sa Red Lions, sa pagsagupa nila sa Pirates.
Para naman sa Lyceum, bagamat malabo na ang pag-asang makapasok pa sa Final Four ay nais pa rin nilang makapagtala ng disenteng pagtatapos para sa kanilang kampanya ngayong taon.
“Kailangan naming bumawi, pero dapat ding maging maingat sa Lyceum. Mabigat ding kalaban iyan dahil capable silang maka-upset kapag binigyan mo ng pagkakataon,” ayon kay Altas coach Aric del Rosario.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment