Itataya ni IBF light flyweight champion John Riel Casimero ng Pilipinas ang kanyang titulo laban kay Felipe Salguero ng Mexico sa pagtataguyod ng MP Promotions ni eight-division world champion Manny Pacquiao sa Oktubre 26 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ito ang unang pagkakataon na maipakikita ni Casimero ang kanyang kahusayan sa boksing dahil lagi siyang lumalaban sa ibang bansa. Una siyang sumikat nang mahablot ang interim WBO light flyweight title sa pagpapatulog kay dating interim WBA junior flyweight titlist Cesar Canchilla ng Colombia sa sagupaang ginanap noong Disyembre 19, 2009 sa Managua, Nicaragua.
Boluntaryo ang depensa ni Casimero kay Salguero sa koronang natamo niya sa 10th round TKO kay Argentinian Luis Alberto Lazarte na ginanap sa Buenos Aires, Argentina noong Pebrero 10, 2012. Matagumpay niya itong naidepensa kina Mexican Pedro Guevara (SD 12) sa Sinaloa, Mexico at Panamanian Luis Alberto Rios (UD 12) sa Panama City, Panama.
Nakalista si Salguero na No. 6 contender sa IBF at minsan nang dumayo sa Pilipinas ngunit dinaig sa puntos ni WBO light flyweight champion Donnie Nietes noong Hunyo 2, 2012 sa Resorts World Hotel sa Pasay City.
May kartada si Salguero na 18-4-1 (win-loss-draw) na may 13 pagwawagi sa knockouts samantalang si Casimero ay may rekord na 18-2-0 (win-loss-draw) na may 10 panalo sa knockouts. – Gilbert Espeña
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment